HINDI USO SA PNP ANG GRUMBLING – CHIEF ALBAYALDE

CAMP CRAME – TINIYAK ng Philippine National Police (PNP) na suportado nila ang anumang posisyon ng Malacañang lalo na ang mga desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ginawa ni PNP Chief, Dir. Gen. Oscar Albayalde ang pahayag sa regular Monday press conference makaraang tanungin ito hinggil sa pagbawi ng amnestiya kay Sen. Antonio Trillanes IV na nangangahulugang dapat ibalik ito sa kulungan dahil sa kasong rebelyon at kudeta.

Batay sa Proclamation No. 75 ni dating Pangulong Noynoy Aquino, binigyan ng amnestiya ang mga sangkot na militar sa Oakwood mutiny noong July 23, 2007, Febuary 2006 Manila Standoff at November 2007 Manila Pen incident kung saan pawang sangkot ang dating rebel soldier at ngayon ay senador na si Trillanes.

Subalit, kamakailan ay itinuring na null and void o ipinawalang bisa ng Malacañang ang amnestiya na iginawad ni Aquino kay Trillanes makaraang makitaan umano ito ng butas ni Solicitor General Jose Calida na nangangahulugang dapat ibalik sa kulungan ang rebeldeng sundalo.

Una nang sinabi ni Trillanes sa isang panayam sa kanya na dinismis ang kanyang kasong rebelyon noong Setyembre 7, 2011 at ang kasong kudeta noong Setyembre 21, 2011.

Sinabi naman ni Albayalde na wala silang nakikitang paglabag sa konstitusyon ang kasaluku­yang administrasyon kaya naman wala ring rason para kontrahin nila ang naging aksyon ni ­Pangulong ­Rodrigo Duterte.

“Wala tayong nakikitang maling ginawa na masama o labag sa konstitusyon ang present administration,” dagdag pa ni Albayalde.

Samantala,  katanungan naman kung may mga alingasngas sa hanay ng pulisya para mag-aklas, sinabi ng PNP chief na zero information din siya hinggil sa mga nag-aalburutong mga pulis kaya malabo na mayroong mag-aklas sa kanila laban sa kasalukuyang administrasyon.

Sa amin, (PNP) wala akong naririnig na alingasngas, hindi yata uso sa PNP ang ganoon na tinatawag na grumbling,” ayon kay Albayalde.   EUNICE C.

Comments are closed.