UMUUSOK sa galit si Marikina 2nd district Representative Stella Quimbo laban sa Grab Philippines. Ito ay sa usaping tila mapang-abuso ang nasabing TNVS o Transport Network Vehicle Service sa sobrang paniningil nila sa kanilang mga pasahero.
Ayon kay Rep. Quimbo, may kapangyarihan ang Philippine Competition Commission (PCC) upang imbestigahan ang Grab Philippines sa paglabag sa presyo ng paniningil sa kanilang mga pasahero. Noong taong 2018 nangako ang Grab Philippines na boluntaryo silang hindi magtataas ng singil alinsunod sa polisiya ng LTFRB. Ayon kay Quimbo ay nilabag nila ito.
Ang mambabatas ng Marikina ay dating pinamunuan ang PCC. Paliwanag ni Quimbo na ayon sa batas maaaring imbestigahan ng PCC ang mapang- abusong mataas na singil bagaman ang Grab Philippines ay isa sa pinakamalaking TNVS sa Pilipinas.
“If you own at least 50% of the market shares, kunwari 51%, ikaw ay considered dominant. Ngayon, kung ‘yung pagka-dominante mo, pagka-dambuhala mo na kompanya ay nagamit mo para ang ending ay overcharging, pwedeng pumasok ang PCC para imbestigahan,” paliwanag ni Quimbo.
Dagdag pa ni Quimbo ay kapag mapatunayan na inabuso ng Grab Philippines ang sobrang paniningil sa kanilang pasahero ay maaaring patawan sila ng penalty na aabot sa daang milyon piso.
Nagtataka lang ako kung bakit ganito kapusok at matigas ang Grab Philippines at ayaw nilang sumunod sa mga puna ng ilang mambabatas kasama na rin ang ilang mga consumer at transport groups na tila malubhang apektado sa ginagawa ng Grap Philippines.
Alam ba ninyo na ang Grab Philippines ang bumili ng Uber na nagsimula ng sistema ng TNVS sa ating bansa? Wala ng Uber sa ating bansa. Ngayon naman ay may ulat na binili din nila ang isang pang kompanya na Move It na ikinagalit ng mga ibang kasamahan niya sa industriya kasama na ang ilang mga mambabatas. Bakit? Eh tila hindi dumaan sa Technical Working Group (TWG) ng Kongreso ang Grab at ginamit ang Move It upang makapag-operate na kasalukuyan na inaayos ang mga regulasyon ng nasabing industriya.
Medyo masalimuot kasi ang nasabing isyu. Dati kasi ay apat ang mga nais sumama sa nasabing pilot program na itinaguyod ng Kongreso upang maisabatas ang pagkakaroon ng governing body sa nasabing industriya. Ito ay ang Grab, Joyride, Angkas at Move It. Subalit umatras ang Grab.
Dumaan sa matinding proseso at nag- qualify ang tatlong naiwan. Subalit pagkatapos mag -qualify ang Move It ay biglang nagsanib ito kasama ang Grab Philippines! Teka. Tama ba ito? Parang may sumingit sa pila. Hindi tama.
Kaya nga may mga nagsasabi na talagang pinapatunayan nila kung saan sila magaling…mag GRAB ng ibang kompanya upang hindi na kailangang dumaan sa proseso at regulasyon.
Kaya nga kasama rin ito sa kinukwestyon ni Rep. Quimbo na maaari rin imbestigahan ng PCC. “Yung mabigat na power ng PCC, pwede nilang sabihin, ‘Magbreak na kayo. Ipinagbabawal namin ang kasal ninyo.’ Pwede nilang gawin yun,” ang paliwanag ni Quimbo.
Malinaw pa sa sikat ng araw na sinusubukan ng Grab Philippines na paikutin ang gobyerno. Ang tanong, ano ang aksyon ng DoTR? Ayon kay Sec. Bautista, ayaw raw nilang panghimasukan ang pagsanib ng Grab Philippines at Move It dahil ito raw ay kasunduan ng dalawang pribadong korporasyon. Huh?!
Maski na ba na pribadong korporasyon ang mga ito, sineserbisyuhan nila ang publiko! Eh dapat hindi na dapat makialam ang DoTR sa mga konstruksyon ng LRT at mga expressways sa bansa. Eh pribadong korporasyon naman ang nagpapagawa nito hindi ba? Dapat ang ERC at DoE ay hindi na manghimasok sa presyo ng koryente, langis.
Isama na natin ang tubig. Eh pribadong korporasyon naman ang mga ito hindi ba? Aysus!!!!
Mabuti na lang at hindi pinapalusot ng Kongreso ang ginagawa ng Grab Philippines. Sa totoo lang, ayaw ko sanang sumawsaw sa isyung ito dahil medyo hindi ako natutuwa sa dumadaming bilang ng motorsiklo sa lansangan.
Maraming sa atin na nagmamaneho kasi ng motorsiklo ay walang disiplina. Kaya nga binansagan ang mga ito na “Kamote Riders”.
Ganun pa man, sang ayon ako sa kongresista ng Marikina na kailangan na bantayan ng gobyerno ang paglaki ng TNVS na gumagamit ng motorsiklo lalo na kapag naging dominante ang Grab Philippines sa nasabing industriya.
Maaaring ipagpatuloy nila ang mapang-abusong singil sa mga kawawang mga mananakay.
“Since nagkaroon ng ganu’ng karanasan with respect to Grab sa TNVS, ang sinasabi ko baka naman magkaroon din ng ganyang ganap dito naman sa motorcycle taxi considering may potential sila to become dominant. ‘Yun ang sinasabi ko na dapat pag-aralan ng PCC kasi sa ganitong sitwasyon, ang PCC talaga ang merong jurisdiction. Sila ang makakapagsabi kung magkakaroon nga ng problema. Sila ang nag a-assess nyan and in the end sila ang dapat mag step in. Meron silang powers under the law na sabihin, ‘Grab, Move It dapat maghiwalay muna kayo kasi magiging problema kayo in the future,’” ang patutsada ni Quimbo.