HINIHINALANG MIYEMBRO NG ‘MILF’ TIKLO SA BARIL

Baril

CALOOCAN CITY -ISANG lalaki na hinihinalang miyembro ng “Moro Islamic Liberation Front” ang ares­tado sa isinagawang anti-criminality campaign ng mga pulis kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Caloocan Police Chief P/Col. Noel Flores ang naarestong suspek na si Gamal Guitum, 41, may-asawa ng Phase 12, Riverside, Brgy. 188, Tala.

Ayon kay Col. Flores, ala-una ng hapon nang magsagawa ng anti-criminality campaign ang pinagsamang mga tauhan ng SWAT at SIB North sa pangunguna ni PLTCOL Crisanto Lleva kontra sa lahat ng uri ng iligal na aktibidad sa Phase 12, Brgy. 188, Tala matapos ang natanggap na ulat hinggil sa madalas umanong pagpupulong ng mga armadong kalalakihan.

Gayunman, nang komprontahin ng mga pulis ang isang grupo ng kalalakihan ay nagtakbuhan ang mga ito sa magkakahiwalay na direksyon na naging dahilan upang magkaroon ng habulan hanggang sa isang lalaki ang napansin habang nagpapalit ng damit at may nakasukbit na baril sa kanyang baywang.

Nang beripikahin, walang naipakitang mga kaukulang dokumento sa kanyang baril ang suspek na naging dahilan upang arestuhin ito at narekober sa kanya ang isang cal. 45 pistol kargado ng magazine may makasamang pitong bala.

Nakuha din sa loob ng bulsa nito ang pito pang bala, kasama ang ilang identification cards kabilang ang MILF ID kaya’t dinala ang suspek sa SIUNEO para sa imbestigasyon at proper disposition. EVELYN GARCIA

Comments are closed.