(Hiniling na pondohan) P1,500 INTERNET ALLOWANCE NG TEACHERS

HINILING  ni Assistant Minority Leader France Castro sa Kongreso na pondohan ang hinihinging P1,500 na buwanang internet allowance para sa mga guro.

Ang hirit ng mambabatas ay kasunod na rin ng pagkapaso ngayong buwan ng 349 sim cards ng Department of Education (DepEd) na ibinigay sa mga guro.

Hiling ng ACT-Teachers Partylist Representative, mahalagang maiprayoridad ng mga mambabatas sa 2022 national budget ang apela na buwanang internet allowance sa gitna na rin ng blended distance learning.

Tinukoy ng kongresista na ang mga guro sa buong bansa ay nahihirapan sa kanilang tungkulin ngayon na nag-oobliga sa paggamit ng information at communications technology kaakibat ng tambak na online tasks at pangangailangan sa digital access.

Dahil wala nanamang sapat na programa para sa mga guro sa ilalim ng blended distance learning ay mapipilitan nanaman silang gamitin ang mga sariling suweldo para matiyak na may access sa internet.

Batay pa sa ACT, ang mga gurong may expired sim cards ay hindi na makakatanggap ng arawang 1GB data allowance at maiiwan na lamang ang mga ito ng 4GB data na buwanang pagkakasyahin naman ng mga guro. Conde Batac