PINAALALAHANAN ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga kompanya na tumugon sa panawagan na pagkalooban ng trabaho ang senior citizens at persons with disabilities (PWDs), gayundin ng patas na sahod ang mga ito.
Nagpahatid ng kagalakan at pasasalamat si Labor Secretary Silvestre Bello III sa pagbibigay ng trabaho ng pribadong sektor sa mga senior citizen at mga PWD partikular sa lungsod ng Maynila.
Pakiusap ng kalihim sa mga nasa fast-food industry na mabigyan nila ng sahod na naaayon sa minimum wage law para sa mga nagtrabaho ng apat na oras hanggang walong at kung ang trabaho na mahigit sa walong oras ay dapat bayaran ng overtime.
Ayon kay Labor Assistant Secretary Benjo Santos Benavidez, ang pahayag ng kagawaran ay kasunod ng mga naglalabasang larawan ng mga senior at PWDs sa social media at FB na nagtatrabaho sa mga food chain at mga restoran sa lungsod ng Maynila at ibang bahagi ng Metro Manila .
Nilinaw pa ni Benavidez na may polisiya ang pamahalaan na nagsusulong ng equal access to employment kahit na anong kasarian, abilidad at edad, gaya ng Republic Act No. 10911 o ang Anti-Age Discrimination law na nagbabawal sa diskriminasyon sa mga uri ng kawani.
Ito rin umano ang tinuntungan ni Manila Mayor Isko Moreno para makipag ugnayan sa mga kompanya partikular sa mga fast food chain na nasa lungsod ng Maynila na mapagkalooban ng oportunidad ang mga PWDs at SC na residente upang higit na maging kapakipakinabang sa lipunan.
Alinsunod sa Section 4 ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng nasabing batas, binabawalan ang mga employer na magtakda ng edad sa publication o patalastas na may kinalaman sa pag-e-empleyo ng mga trabahador.
Gayunman, kabilang sa mga exemption ng itinakdang edad at lakas ng pangangatawan ay mga pulis, sundalo, bombero mga construction worker at iba pa. VERLIN RUIZ