HINILING ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagkakaroon ng isang evacuation center kada munisipalidad para hindi na maantala ang mga klase tuwing may kalamidad.
Ipinaliwanag ni DSWD Secretary Erwin Tulfo ang kahalagahan nito kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“Ang isa pang hinihingi namin, sir… We really need to have an evacuation center in every municipality, lalo na po ‘yung mga typhoon- at flood-prone areas,” ani Tulfo.
“Kasi ‘pag maganda na ang panahon, may araw na, nandu’n pa rin ang mga evacuees dahil nasira ang bahay nila. So, ‘yung mga estudyante magsisiksikan sa ibang classrooms,” dagdag pa niya.
Samantala, nasa mahigit 25,600 relief packs ang ikinasa ng DSWD sa Region 4-A kasabay ng pananalasa ng bagyong Karding.
Ayon sa DSWD Region 4-A, nagkakahalaga ang relief packs, na binubuo ng family food pack at kit pack, ng P41.5 million para sa mga apektadong residente sa nasabing rehiyon.
Kabilang sa relief packs ang family kit pack na naglalaman ng sleeping, hygiene at kitchen supplies at modular tents.
Naglalaman naman ang family food pack ng bigas, kape at mga de lata.
Samantala, naglaan na ang DSWD sa CALABARZON ng mahigit P2 milyong standby funds para sa posibleng emergency procurements ng relief supplies na kailangan ng mga apektadong pamilya.
LIZA SORIANO