(Hiniling ng Piston sa SC) TRO VS PUV MODERNIZATION

SA GITNA ng nalalapit na deadline para sa consolidation ng public utility vehicles (PUV) operators ay dumulog ang transport group Piston sa Supreme Court para pigilan ang pagpapatupad ng PUV Modernization Program (PUVMP).

Sa kanilang petisyon, iginiit ng Piston na ang mandatory consolidation ay labag sa constitutional right sa freedom of association.

“The constitutionally guaranteed freedom of association includes the freedom not to associate. The Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) requires operators to consolidate their individual franchises into a single franchise under a cooperative or corporation,” nakasaad sa pétisyon.

Kasama ni Piston chairman Modesto Floranda na naghain ng petisyon sina Jason Jajilagutan, Bayan Muna party-list coordinator Gaylord Despuez, Para-Advocates For Inclusive Transport member Edric Samonte, No to PUV Phaseout Coalition of Panay member Elmer Forro, at Komyut spokesperson Ma. Flora Cerna.

Respondents naman ang Department of Transportation, na kinatawan ni Secretary Jaime Bautista, at ang LTFRB, na mkinatawan ng chairperson nito na si Teofilo Guadiz III.

Ang petisyon ay kasunod ng mga serye ng nationwide transport strikes sa gitna ng pagtanggi ng gobyerno na palawigin pa ang Dec. 31, 2023 deadline para sa consolidation.

Tinatayang nasa 50,000 jeepney drivers sa Metro Manila ang mawawalan ng trabaho simula sa Enero 1, 2024 dahil sa hindi nila pagtugon  sa franchise consolidation.