HINILING SA BIR NA IPAGPALIBAN: BUWIS SA ONLINE BIZ ‘BAD TIMING’

win Gatchalian

HINILING ni Senador Sherwin Gatchalian sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na ipagpaliban muna ang pagpapataw ng buwis sa mga online seller na naghahanap ng mapagkakakitaan sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Gatchalian, vice chair ng Senate Committee on Economic Affair, ‘bad timing‘  at magiging napaka-insensitive ang direktibang ng BIR kung saan ay imbes na makabuti ay magdudulot pa ng masama sa digital economy.

Iginiit ng senador na karamihan sa mga online seller ay mga nawalan ng trabaho nang ipinatupad ang enhanced community quarantine (ECQ).

“Importante ang tamang timing sa pagtatakda o pagtataas ng buwis. Hindi tama ang timing ng BIR na patawan ng tax ang mga online seller na karamihan sa kanila ay nagsisimula pa lang makabangon muli dahil nawalan ng trabaho noong kasagsagan ng Enhanced Community Quarantine (ECQ). Dahil kailangang mapanatili pa rin ang social distancing lalo na’t wala pang nadidiskubreng bakuna sa COVID-19, mas hinihikayat pa nga natin ang lahat na gumamit ng teknolohiya para lumipat na sa tinatawag na digital economy,” ani Gatchalian.

Binigyang-diin pa ni Gatchalian, awtor ng Internet Transactions Act, na kapag pinatawan ng tax ang mga online seller ay tiyak na tataas ang presyo ng bilihin at ipapasa nila ang additional cost sa kanilang mga customer.

Kaya, aniya, bago magpatupad ang pamahalaan ng bagong tax sa digital economy, dapat ay mag-isip muna ng mga paraan kung paano ma-develop ang industriya para makapagbigay ng mas maraming trabaho at oportunidad sa mga Filipino. VICKY CERVALES

 

Comments are closed.