(Hiniling sa BIR) ONLINE TIN APPLICATION SA OFWS

Joey Sarte Salceda

UMAPELA si House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na payagan ang overseas Filipino workers (OFWs) na irehistro sa online ang kanilang Tax Identification Number (TIN).

Nagpadala ng liham si Salceda kay BIR Commissioner Caesar Dulay na humihiling na payagan ang mga OFW na mag-apply ng kanilang TIN sa online upang hindi na sumailalim ang mga ito sa face-to-face transaction  lalo ngayong may pandemya.

Sinabi ng kongresista na hindi makapagbukas ng trade stocks ang mga OFW na nasa abroad pa dahil kailangan pa nila ng personal appearance sa Revenue District Offices (RDOs).

Nagiging balakid, aniya, ang requirement na ito para sa mga OFW na nais mag-invest sa Philippine stocks bilang paghahanda sana nila sa pagbabalik sa Pilipinas at sa kinabukasan ng pamilya.

Hinihingi rin ng mambabatas kay Dulay ang tax administration rules at regulations na pumipigil sa full digitalization ng proseso sa pagkuha ng TIN.

Ang Abacus Securities Corporation, isa sa mga pangunahing stockbrokerage sa bansa, ay naunang umapela  na gawin na lamang online ang TIN application matapos na mahirapan ang mga OFW na magbukas ng stocks sa bansa.  CONDE BATAC