HINILING SA DTI: PRICE CEILING SA BIGAS

SINABI  ni Senador Cynthia Villar na dapat irekomenda ng Department of Trade and Industry (DTI) kay Pa­ngulong Rodrigo Duterte ang pagkakaroon ng price ceiling sa bigas kasunod ng mga pagtaas nito.

Ayon sa senadora, sinasabi sa batas na Price Act na kung mayroong hindi makatarungan o hindi kinakaila­ngang pagtaas ng presyo sa pres­yo ng pangunahing bilihin, ang DTI na siyang namumuno sa Price Coordinating Council ay maaaring gawin ang rekomendasyon na ito.

“Sana i-implement na nila ‘yun kasi tingin ko masyado nang mataas itong prices na ito. It’s not logical anymore,” ani pa ni Villar.

Paliwanag ni Villar, sa kanilang ginawang pag-aaral, ang palay ay nagkakahalaga ng P17 kada kilo at umaabot sa P25 ang kilo matapos magiling.

Kaya naman ayon pa sa kanya dapat ay P40 lamang kada kilo ang bigas sa mga palengke at hindi aabot sa P55 kada kilo.

“Bakit tumataas nang ganu’n? There’s something wrong. There’s really a cartel dito sa goods na ito,” giit pa nito.

Matatandaang sa Zamboanga ay umabot sa P50-P70 ang kada kilo ng bigas  dahil sa kakulangan ng staple na nagbunsod sa pagdedeklara ng mga lokal na opisyal doon ng state of calamity.

Nagmungkahi naman si Agriculture Secretary Emmanuel Piñol  ng karagdagang 132,000 tons ng bigas na ii-import para matugunan ang “very limited” na suplay ng bigas sa Mindanao. LYKA NAVARROSA