(Hiniling sa DTI) ZERO INTEREST LOAN PROGRAM PARA SA MSMEs

HINIKAYAT ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa si Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Maria Cristina Roque na magpatupad ng isang loan program para sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs) nang walang interest.

Sinabi ni Dela Rosa na makatutulong ito sa mga Pinoy na mapaunlad ang kanilang kabuhayan sa halip na bigyan sila ng financial assistance.

“Siguro kung ako ang maging secretary ng DTI, tutukan ko ‘yon. Maghanap ako ng programa na makatulong ‘yung gano’ng paninda araw-araw kasi you can just imagine 5-6, uutang ka ng P5, at the end of the day bayaran mo ng P6,” pahayag ng senador sa confirmation hearing ni Roque.

“Baka kayo, gagawa ka ng programa na ‘yan, pondohan natin dito sa Kongreso na makabigay ka kahit 5-5, walang interes, tapos mag-deploy ka ng mga nakamotor na mga tauhan mo, iikot doon sa mga palengke, magpapautang…para sa maliliit na negosyante, napakalaking bagay ‘yan kung walang interes,” mungkahi niya.

Bukod dito, sinabi ni Dela Rosa na mababawasan ng ganitong uri ng government program ang kultura ng pamamalimos sa mga Pilipino.
LIZA SORIANO