(Hiningi ni Cardinal Tagle) PAGKAKAISA, TULONG SA MGA NILINDOL

Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle

HINIKAYAT ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga mamamayan na “yanigin” din ng pagkakaisa at tulong ang mga residente na nasa­lanta ng lindol sa Mindanao.

Umaasa si Cardinal Tagle na ang bawat tulong ng mamamayan ay maging inspirasyon at magbigay ng lakas ng loob sa mga residente sa kanilang pagbangon mula sa trahedya.

“Ngayon pong nagsisimula na ang reconstruction, hindi lamang ng mga gusali, bahay, paaralan, kundi ng buhay, ng mga pangarap ang ating pong mga ambag ay magiging pampalakas ng loob ng ating mga kababayan sa Digos, Kidapawan sa mga lugar na naapektuhan,” ayon kay Tagle.

Nagpahayag din siya ng pag-asa na mamamayani ang pagtutulungan ng bawat Filipino sa panibagong hamon na kinahaharap ng sambayanan na dulot ng nagdaang lindol.

“Ang pagdadamayan at pagtutulungan ay malaking puwersa para yanigin din ang mga puso ng tao para itayo ang buhay muli. Kaya tayo ay nanawagan sa ating mga ka­panalig,” dagdag pa ng Cardinal.

Bukod sa panawagan ng tulong, ipinagdarasal din ni Cardinal Tagle na nawa ay pukawin ang puso ng mga Filipino sa pagtulong sa kapwa at ibsan ang pagdurusa ng mga nasalanta.

Panalangin pa niya,  tulu­yan na sanang mahinto ang mga pagyanig habang nagsisimula na rin ang reconstruction at pagpapanauli ng normal na buhay ng mga residente. ANA ROSARIO HERNANDEZ