Hinugasan ako sa Tubig ng Buhay Para Maging Tagasunod ni Kristo

fr lucky acuna

SA PAMAMAGITAN ng sakramento ng binyag ay nagiging kabahagi tayo ng pamilya ng Diyos kung saan tayo ay nagiging anak Niya. Bukod pa rito ay nagiging kabilang din tayo sa kawan ng ating Panginoong Jesukristo, kasapi ng Kanyang Simbahan sa pagiging isang ganap na Kristiyano. Tunay at kinikilala nating isang biyaya ang pagtanggap ng sakramento ng binyag. Kaya naman, isa ito sa mahahalagang pangyayari sa ating buhay na pinaghahandaan at hindi natin hinahayaang palipasin o iwalang bahala upang hindi tanggapin.

Ginugunita ng Inang Simbahan sa araw na ito ang Kapistahan ng Pagbibinyag sa ating Panginoong Jesukristo sa Ilog Jordan. Ang kapistahang ito ay nagpapaalala sa atin na ginanap ni Jesus ang pagtanggap ng binyag ni San Juan Bautista upang hikayatin tayo na sumuong sa ilog ng paglilinis at hugasan ang ating sarili sa kasalanan. Tayo ay Kanyang tinuturuan na ganapin ang pagkilos na ito at Siya ay ang nagsilbing halimbawa sa ating lahat sa kabila na wala namang aalisin at lilinising kasalanan sa Kanya dahil sa Kanyang pagiging Diyos. Minabuti Niyang gawin ito dahil ito rin naman ang nagsilbing pagsisimula ng Kanyang ministeryo, hudyat ng paggawa at pagkilos upang ipahayag ang paghahari ng Diyos sa pamamagitan Niya.

Dagdag pa rito, sa pamamagitan ng tagpong iyon, si Jesukristo ay ipinakilala ng Diyos Ama bilang Kanyang pinakamamahal na anak sa pagpababa ng Espiritu Santo sa Kanya. Ang pangyayaring ito ay isang patunay na si Jesus ay naparito sa ating piling, nakipamayan sa atin, kasama natin sa mundong ito dahil Siya ay kaloob ng Diyos sa atin na nararapat lamang nating kilalanin, pahalagahan at ipagpasalamat sa Diyos. Dahil sa pag-ibig, naging totoo at tinupad ng Diyos ang Kanyang pangako.

Mga kapanalig at kapatid sa pananampalataya, tayo ngayon ay inaanyayahan na ating pahalagahan ang sakramento ng binyag na tinanggap natin sa pamamagitan ng Simbahang nagbukas ng ating kamalayan sa kadakilaan at pag-ibig ng Diyos. Naging kaanib tayo sa kawan ni Jesus dahil sa ating pananampalataya na pinauunlad at pinagyayaman ng mga karanasan natin sa piling ni Jesus na ipinagpapatuloy ng Simbahan bilang Kanyang pinagkatiwalaang mangasiwa sa ating paghubog sa buhay-Kristiyano habang tayo ay nabubuhay, lumalaki, nagkakaisip at lumalago sa karunungan at pananampalataya na nagiging bahagi ng pagsumpong natin sa kahulugan at dahilan ng ating buhay sa mundong ito.

Kung nagiging ganito ang ating karanasan sa pananampalataya bilang bunga ng binyag, nararapat lamang na hamunin tayo ng pagkakataon na mas lalo nating paigtingin ang kapanabikang isabuhay, isaisip at isapuso ang kalooban ni Jesus, ang Kanyang turo at halimbawa bilang mga nabinyagan na. Sanggol man tayo nabinyagan noon upang maging Katoliko, ito ay patunay na hangad nating simulan ang buhay noon pa man sa piling ng Diyos. Ipinangako at tinayuan ng ating mga magulang, ng ating mga ninong at mga ninang ang responsibilidad na gabayan tayo sa buhay-kabanalan bilang isang Kristiyano. Sila ang humalili sa atin noon, bilang mga wala pang kamuwang-muwang sa mundo, upang tayo ay ihandog sa Kanyang harapan at upang maging kaisa Niya. Ang binyag ay nagsisilbing pasimula ng ating buhay-Kristiyano, hindi dito natatapos ang mga sakramentong tinatanggap natin kundi binubuksan pa nito ang maraming sandali upang tamasahin natin ang biyaya ng Diyos. Kaya nga at tayo ay nagiging daluyan ng biyaya ng Diyos para sa iba.

Binigyang-diin ng ating Ebanghelyo ngayon ang tubig bilang isa sa mga simbolo ng sakramento ng binyag. Kung titingnan natin, ang tubig na ito ay maraming kahulugan na may kinalaman ding maging sa ating buhay. Alam natin na sa araw-araw na kailangang-kailangan natin ng tubig. Marami ngang gamit ang tubig. Pangunahing gamit nito sa atin ay isa itong panlinis. Hinuhugasan ng tubig ang anumang madumi. Kaya naman, maging sa ating pananampalataya, tayo rin ay kailangang hugasan sa ating pagkakasala. Ang kasalanan ay kailangang alisin sa atin dahil inilalayo tayo nito sa pag-ibig ng Diyos.

Hindi lamang panghugas ang tubig, ito rin ay nakapagbibigay ginhawa sa atin. Sa pamamagitan ng tubig, ating napapawi ang ating uhaw, binabasa nito ang natuyuan nating kalooban, pinagiginhawa nito ang init sa ating katawan. Kung isang simbolo ang tubig sa ating pananampalataya, pinagiginhawa nito tayo, pinapawi nito ang ating pagkauhaw sa Salita ng Diyos, binabasa at tinutubigan nito ang tigang nating pananampalataya. Nagiging ilog ng biyaya tayo sa iba at hindi lamang isang dike na pilit gumagawa ng harang upang pigilan ang pagdaloy nito.

Panggising din ang tubig sa natutulog nating kamalayan sa buhay. Nagbibigay direksyon ang tubig ng buhay sa tuwing winiwisikan tayo nito. Tayo ay binabasbasan upang gisingin tayo sa katamaran at pinapaalalahanan tayo na muling magsimula sa pagsusumikap. Binubuksan ng pagbabasang ito ang pag-alala rin na ang tubig ay nagpapadalisay sa ating ugnayan sa buhay at sa Diyos na pinagmumulan ng buhay. Ginigising tayo ng Ebanghelyo upang imulat sa atin ang halaga ng binyag bilang pasimula ng buhay natin kay Kristo.

At panghuli, nakakalunod ang tubig at nakamamatay ang tubig. Sa tuwing nilulubog tayo sa tubig sa sakramento ng binyag, pinaaalala sa atin na tayo ay namamatay sa pagkakasala upang muling mabuhay sa pangako ng Diyos. May ganitong pagtingin sa tubig dahil kailangan nating muling mabuhay upang lumaya at maging kapanig ng Diyos. Ang pag-ahon ay bagong buhay at ito ay pagpapakita ng pag-asa sa bawat isa. Marapating ibinabalik tayo nito sa tunay nating kalikasan na tayo ay mabuti dahil tayo ay galing sa Diyos.

Sa kabilang banda, ginanap ni Jesus ang pagbibinyag upang maging ehemplo sa atin. Hindi ito kailangan ni Jesus dahil wala naman Siyang dapat hugasan o linisin sa Kanyang sarili.Minarapat Niya itong gawin upang ipakita sa atin ang kailangan nating gawin para tayo maging malapit sa Kanya. Ang padiriwang na ito ay pagbubukas sa atin ng pag-asa. Dahilan ito para tayo ay maging mas lalong malapit at karapat-dapat na tawaging anak ng Diyos na sa binyag ay natutupad.

Bilang hamon sa ating lahat ngayon, magampanan nawa natin ang responsibilidad na ating tinanggap sa binyag. Tayo ay inaasahang lumaki at umunlad sa pananampalataya sa pamamagitan ng panalangin, pagsunod sa kalooban ng Diyos at maging tagapagtotoo sa lahat ng ginawa ni Jesus sa ating buhay. Harinawa na magawa natin ang lahat ng ito, dahil ito rin naman ang dahilan kung bakit tayo Kristiyano, mga tagasunod ni Kristo. Amen.

2 thoughts on “Hinugasan ako sa Tubig ng Buhay Para Maging Tagasunod ni Kristo”

  1. 148738 782877Hi, you used to write superb articles, but the last several posts have been kinda lackluster I miss your super writing. Past few posts are just just a little out of track! 9455

Leave a Reply

Your email address will not be published.