HINUKAY NA BALON GUMUHO: 2 NATABUNAN, 2 SUGATAN

QUEZON-MAKARAAN ang halos 13 oras na pagkalibing sa kanilang hinuhukay na balon, narekober na ang labi ng dalawang natabunang trabahador sa Barangay Biyan, Calauag, Quezon nitong nakaraang Miyerkoles.

Ayon sa mga rescuers at retrieval team na pinangunahan ng MDRRMO at PNP, kinailangan pa nilang gumamit ng backhoe at tibagin ang hukay at gumuhong lupa para marekober ang wala ng buhay na katawan ng mga biktimang sina Joseph Estaka at Joselito Dominiano.

Nakuha ang labi ng dalawa dakong alas-12 ng tanghali nitong Miyerkoles.

Ayon naman sa pamilya ng mga biktima, hapon pa lamang ay tanggap na nila ang masakit na sinapit ng kanilang mga padre de pamilya at hindi na silang umaasang makukuha pang buhay ang mga ito makalipas ang magdamag.

Matatandaang dakong alas-5:45 ng hapon ng Martes nang biglang mag-collapse ang nasa 13 feet ang lalim ng nahukay na balon na may luwang na 6 feet.

Nakaligtas naman ang dalawa nilang kasama na sina Ulpiano Valencia Cantara, 69-anyos, at Saturnino Maraña na nasang bandang itaas ng hukay nang mangyari ang insidente at nagtamo lamang ng minor injuries.

Napag-alaman na ang hinuhukay na balon ng apat ay para sa pagkukunan ng water supply sa kanilang lugar na ito lamang ang tanging paraan umano upang matugunan ang dinaranas na kakulangan ng tubig dulot ng El Niño. BONG RIVERA