QUEZON- NADAKIP ng mga awtoridad ang tinaguriang hired killer at lider ng isang criminal group sa buong CALABARZON sa pinagtataguan nitong hide-out sa Catanauan sa lalawigang ito, Lunes ng hapon.
Kinilala ni Cavite police director Lt.Col. Christopher Olazo ang suspek na si Saturnino Masikat, 55-anyos at residente ng Cavite.
Ayon kay Olazo, ang suspek ang lider ng kilabot na Masikat criminal group na nag-ooperate sa lalawigan ng Cavite, Laguna at Quezon.
Sinabi pa nito, ang grupo ni Masikat ang responsable sa pagkamatay ng mag-asawang Koreano, isang kagawad ng barangay at isang police officer noong 2015 at 2021.
Nabatid pa na bukod sa sinasabing pagpatay, sangkot din sa malakihang drug trade ang grupo ni Masikat.
Nasakote si Masikat ng isang tip ang natanggap ng himpilan ng Silang police station hinggil sa lugar na pinagtataguan nito.
Sa bisa ng isang warrant na inisyu ng isang korte, nalambat si Masikat sa Barangay Isidro, Catanuan Quezon.
Nakakulong na sa Cavite custodial facility ang suspek. ARMAN CAMBE