HIRINGGILYANG GAWANG PINOY UNAHIN SA VAX PROGRAM-BONGBONG

HINIMOK ni Presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang gobyerno na unahin ang paggamit ng mga locally-made na hiringgilya upang matugunan ang kakulangan sa suplay na maaaring makahadlang sa vaccination program ng bansa.

Sinabi ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer na kailangang tugunan ang problema lalo na’t papalapit na ang gobyerno sa layunin nitong makapagbakuna ng 50 porsiyentong Pilipino sa pagtatapos ng taon.

“Maganda na ang development ng ating pagbabakuna ngunit kung ito ay panandaliang hihinto o babagal dahil sa kakulangan ng supply sa heringgilya. Nararapat na magawan ito agad ng paraan dahil buhay at kaligtasan ng ating mga kababayan ang nakasalalay,” sabi ni Marcos.

Ayon sa Department of Health (DoH), mayroon ngayong pandaigdigang kakulangan sa supply ng hiringgilya kaya’t ang gamit nila ay isang uri ng hiringgilya upang malaman kung ang isang pasyente ay may tuberculosis. Ito ay ginagamit sa ngayon para sa mga mRNA vaccines gaya ng Pfizer at Moderna.

Dagdag ni Marcos, mas mabuti kung ang pamahalaan ay bibili ng mga hiringgilya mula sa mga local manufacturers kaysa magkanya-kanya ang Local Government Units (LGUs) para lang makahanap ng kanilang magagamit.

Aniya, ang pagsuporta sa mga local manufacturers ng medical supply ay makakatulong para madagdagan ang trabaho at mapasigla ulit ang ekonomiya.

Makakasigurado rin ng sapat na supply kung dito na sa bansa kukuha ang gobyerno dahil hindi na aasa ang bansa sa mga international suppliers na maaaring maapektuhan ng isyu sa global supply chain.

“Napakahalagang sinusuportahan natin ang sariling atin. Mas makakasiguro pa tayo na darating sa tamang oras ang mga supply na kailangan natin sa pagbabakuna. Ang pagsuporta sa mga local manufacturers ay malaking tulong sa kanila upang makapagbigay sila ng trabaho at dagdag na kita sa ating bansa,” sabi ni Marcos.

Sa ngayon, mayroon lamang tatlong local manufacturers ng hiringgilya sa bansa kaya naman sinabi ni Marcos na kailangan pang magtayo ng mga kompanya na makatutulong sa pagpapaunlad ng lokal na produksiyon ng medical supplies.

Ayon sa National Task Force Against COVID-19, nakatanggap na ang bansa ng kabuuang 123,258,340 na bakuna laban sa COVID-19 simula Pebrero. Sa bilang na ito, 69,713, 994 ay naibakuna na sa mga Pilipino.

“Dapat pa nating pag-igihin ang ating programa sa pagbabakuna upang mas maraming sa ating mga kababayan ang mahikayat at tuluyan na tayong makabangon sa pandemyang ito,” sabi ni Marcos.