HINILING ng isang grupo ng mga driver mula sa Grab sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na atasan ang ride-hailing firm na isauli ang halaga ng binabalikat na 20 percent discount para sa senior citizens at persons with disability (PWD).
Sa panayam sa TeleRadyo Serbisyo, sinabi ni Laban TNVS National Director Jun de Leon na dati nilang binabalikat ang 10 percent ng discount na ipinagkakaloob sa seniors at PWDs, habang sinasagot ng Grab ang natitirang 10 percent. Subalit magmula noong March 2024 ay binabalikat na, aniya, nila ang buong halaga.
“Noong Marso po ay nanawagan na tayo sa LTFRB na pakialaman na po itong issue na ito dahil labis-labis na po ang pagkalugi ng mga TNVS drivers,” aniya.
“Dahil bukod sa 20 percent to 25 percent na ikinakaltas ng Grab sa komisyon, eh ipinatong pa ‘yung 20 percent discount sa ating mga drivers ng mga PWD, senior citizen, at student discounts,” dagdag pa niya.
Ipinaliwanag ni Leon na kung ang pamasahe ng isang PWD ay P1,000, ang maiuuwi lamang ng Grab driver ay P800 dahil sa 20 percent discount.
Subalit dahil kinukuha ng Grab ang 20 hanggang 25 percent commission per ride, ang isang driver ay maaari lamang aniyang mag-uwi ng P550.
Binigyang-diin ni De Leon na nais ng mga driver na serbisyuhan ang mga PWD o senior citizen customers subalit ang kasalukuyang sistema ay masakit sa kanilang mga bulsa.
“Kahit gustong-gusto po naming serbisyuhan itong mga kababayan natin na PWD, eh talagang napipilitan na lang kami na hindi na lang sila kunin dahil mauuwi talaga sa pagkalugi. Tayo naman po ay naghahanapbuhay at marami rin po tayong binubuhay, kaya paumanhin po,” sabi pa niya.
Samantala, sa isang statement ay sinabi ng Grab na patuloy itong nagsa-subsidize sa government-mandated discounts para sa mga driver nito, sa pamamagitan ng reduced commissions para sa discounted fares.”
“It does so by subsidizing its drivers-partners for said rides through a reduced commission rate on these discounted fares. This model mitigates the impact of these government-mandated fare discounts on driver earnings,” ayon sa Grab.