(Hirit ng Kamara para naman sa private sector) P30K SAHOD SA HEALTH WORKERS

Health Worker

NAIS ng Kamara na taasan ang minimum wage ng mga private health professional sa buong bansa.

Inihain nina Bayan Muna Reps. Carlos Isagani Zarate, Ferdinand Gaite at Eufemia Cullamat ang Magna Carta for Private Health Workers Bill na layong itaas ang buwanang sahod ng mga pribadong health workers sa P30,000, pagbabawal sa kontraktwalisasyon, pagtiyak na sapat lamang ang workload na ibinibigay at maitaas ang standard of li­ving ng mga ito.

Ayon kay Gaite, malayo sa daily minimum cost of living na P1,205 ang natatanggap na suweldo ng mga private health workers.

Nahaharap din ang mga ito sa krisis tulad ng pagi­ging overworked, underpaid, at napagkakaitan ng karapatan sa job security at pagbuo ng unyon.

Naniniwala naman si Zarate na makatutulong ang pagtataas sa suweldo ng mga private health professional na hindi na mag-abroad at manatili na lamang sa bansa.

Sa desisyon ng Korte Suprema, kinatigan nito ang pagtatakda ng mataas na sahod ng mga nurse sa public sector sa Salary Grade 15 o P30,531 pero walang panukala para sa mga health professionals na nasa pribadong sektor. CONDE BATAC