HUMIHIRIT ang ilang opisyal ng Local Government Units (LGUs) sa Inter-Agency Task Force na baguhin ang community quarantine sa kani-kanilang mga lugar.
Ito ang inihayag ni Presidential spokesman Harry Roque dahil na rin sa kaso ng COVID-19.
Inihalimbawa ni Roque, ang lokal na pamahalaan ng Quezon na mula sa modified community quarantine ay humihiling na ilagay sa general community quarantine.
Gayundin, humihirit naman ang Cebu na maging MECQ mula sa GCQ.
GCQ rin ang gusto ng Abra, Apayao, Caraga region at sa Lanao del Sur mula sa MGCQ.
Hiling naman ng mula sa Dagupan City, Batanes, Davao de Oro, Davao del Norte, Davao Oriental, Davao Occidental, at Davao del Sur na i-relax ang community quarantine at ilagay sa MGCQ mula naman sa GCQ.
Maging MGCQ mula sa GCQ ang nais ng Pangasinan, Angeles City, Nueva Ecija, Zambales, Pampanga, Cavite, at Cebu province.
Gayunpaman, nilinaw ni Roque na wala naman sa Metro Manila mayors ang naghain ng kanilang apela.
Kaugnay nito, nakahanda naman ang Joint Task Force COVID-19 Shield, anuman ang maging desisyon ng pamahalaan sa estado ng quarantine sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.
Ayon kay Joint Task Force COVID-19 Shield Commander, Lt. General Guillermo Eleazar, nagkakaiba-iba lamang na-man ang lebel ng quarantine sa mga tao na papayagang makalabas ng bahay.
“Dito sa GCQ may mga restrictions pa rin o merong mga ibang industries na hindi pa rin permitted to operate but basically based on the omnibus guideline ng IATF. Ang MGCQ generally lahat ay pwede nang lumabas kaya lang in reduce capacity yung ibang work force sa mga permitted establishments. Ang pagkakaiba lang nito during MGCQ, just like in GCQ ang ating mga kababayan na hindi bahagi ng work force ay hindi basta-bastang mag-travel outside of the province,” ani Eleazar. DWIZ 882