NAIS ng mga senador na i-realign ang P50- milyong confidential funds ng Department of Agriculture (DA) sa anti-smuggling bodies para matugunan ang isyung ito.
Ito ang naging pahayag nina Senador Cynthia Villar at Raffy Tulfo matapos malaman na binigyan ng milyon-milyong confidential funds ang DA sa Ilalim ng National Expenditure’s Program (NEP).
Ayon kay Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban, ang P50-M ay ilalaan para sa “enforcement” at “smuggling.”
Kinuwestiyon ito ni Tulfo at sinabing ang Bureau of Customs (BOC) ang dapat tumugon sa smuggling.
“I-surrender ninyo na lang po at ibigay ninyo na lang po sa ibang mga agency na nangangailangan tulad ng Coast Guard.
Siguro kailangan natin dahil palaging nagkakaproblema tayo sa West Philippine Sea,” ani Tulfo.
Sinuportahan ni Villar ang pahayag ni Tulfo at dagdag niya, wala sa mandato ng DA ang pagtugon sa smuggling.
“The enforcement agency against smuggler and cartel…would be coming from the law enforcement agency, not DA,” aniya.
LIZA SORIANO