(Hirit ng solon) 2 LINGGO PA SA ECQ SA LUZON

Albay-Rep-Joey-Salceda

MAGKAKAIBA ang pananaw kaugnay sa kung ano ang dapat gawin sa COVID-19 enhanced community quarantine (ECQ) pagkatapos ng Abril 30, ngunit madiin ang panawagan ni House Ways and Means Chairman Joey Sarte Salceda ng Albay na palawigin pa ito ng dalawang linggo bago  alisin na, dahil hindi pa handa ang Luzon.

Ang panukalang dalawang linggong pagpapalawig sa ECQ at batay sa malungkot na karanasan ng ilang bansa, kasama ang Singapore, Taiwan, Japan at South Korea kung saan malawakang bumabalik ang hawaan ng sakit, matapos ang “hilaw” nilang pag-alis ng kanilang ECQ.

“Wala pa tayo sa tamang kalagayan para matupad ang nais nating pagtapos sa pandemic na ito. Mamamali at magiging pabaya tayo kung masyado tayong magmamadali. Dapat matuto tayo sa pagkakamali ng ilang bansa na higit pang moderno kaysa atin,” pahayag ni Salceda.

Sa kanyang ‘white paper report” kamakailan, hinimok ni Salceda,  co-chairman din ng House Economic Stimulus Cluster, ang National Task Force (NTF) na irekomenda ang pagpapalawig sa ECQ ng dalawang linggo pa, dahil hindi pa natin inaabot ang “point of justified confirence” sa laban natin sa COVID-19. Bilang tugon sa pahiwatig na “mamili kung alin sa kalusugan o ekonomiya ang dapat ibayong pahalagahan,” sinabi niyang mali at duling ang ganitong pananaw.

“Higit na malaking perhuwisyo sa buhay ng mga Pilipino (sic) at ekonomiya natin ang idudulot ng ‘resurgence’ o pagbabalik ng panghahawa ng virus. Ang ginagawa natin ay pagaanin ang bigat sa kapwa ekonomiya at buhay natin. Sa ngayon, ang pagtanggal sa ECQ at umasang hindi na ito muling ibabalik ay walang batayang panaginip lamang. Tapusin natin ang problema sa tamang paraan, lalo na at matagumpay naman ang mga una nating hakbang. Higit itong mabuti kaysa mabura silang lahat at bumalik tayo sa malawakang hawaan na naman,” paliwanag niya.

Umabot na sa 46,000 ang nagawa nang tests noong Abril 20, at inaasahang mga 80,000 pang tests ang magagawa bago matapos ang buwan “Mga 0.1% lamang ito ng ating populasyon kaya malamang maraming nahawaan na ngunit ‘asymptomatic’ ang makakasalamuha natin. Sa 5,660 ‘confirmed cases’ noong ika-16 ng Abril, 3,238 lamang ang napag-aralan. At nadodoble ang bilang nila tuwing pagkalipas ng 12 araw,” puna niya.

Ayon sa mambabatas na isang kilalang ekonomista, ang kalugihang idudulot ng dalawang linggong pagpapalawig sa ECQ ay kapiranggot lamang ng pagkaluging inani na sa anim na linggong ‘lockdown,’ ngunit ibayong perhuwisyo ang ibubunga kapag bumalik ang malawakang hawaan ng virus at lalong magiging matagal ang muling pagbangon ng bansa.

Sa kanyang ‘white paper,’ ipinanukala ni Salceda ang komprehensibong mga hakbang upang pangalagaan  ang matatanda gayundin ang malawakang pagkatuto ng mga tao sa mga ‘non-pharmaceutical interventions, gaya ‘personal hygiene,’ paghugas ng kamay, paggamit ng ‘facemask,’ ‘social distancing’ at abot-kamay na layo sa suplay ng malinis na tubig at marami pang iba.

Comments are closed.