HINILING ni Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go sa mga ahensiya ng gobyerno na dapat ay masigurong sistematiko ang pagpapatu-pad ng Balik Probinsiya Program partikular ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Go, dapat ay alamin ng mga ahensiya ang pagkakahati-hati ng mga tao base sa kanilang pangangailangan para makabalik sa kanilang mga probinsiya. Dapat ay ma-address ng pamahalaan kung sino-sino ang nangangailangan ng “immediate, medium at long-term” na solusyon para mapauwi sa kanilang mga probinsiya base sa kanilang kalagayan ngayong panahon ng Covid-19.
“Nananawagan ako na mag-umpisa nang maglatag ng mga plano para masuportahan ang “Balik Probinsiya program” at iba pang mga hakbang na magbibigay insentibo sa ating mga kababayan na lumipat mula sa Metro Manila at iba pang malalaking lungsod pabalik ng kanilang probinsya,” ani Go.
Isang virtual meeeting ang dinaluhan ni Go kasama ang ilang opisyal ng pamahalaan na pinangungunahan ni Executive Secretary Salvador Medialdea at napagkasunduan na dapat ang programa ay mayroong tatlong phases.
“May pang-immediate para sa mga uuwi talaga pagkatapos ng ECQ, may medium-term para sa mga nais mag-relocate pabalik sa kanilang probinsiya, at may long term para mas mabigyan ng oportunidad ang mga tao at mapalakas lalo ang ekonomiya sa iba’t ibang lugar sa bansa,” paliwanag ng senador.
Kasabay nito, iginiit din ni Go na dapat ay paghandaan din ng pamahalaan ang mga paaralan sa ibat ibang lugar para sa inaasahang paglipat ng mga estudyante na manggagaling sa Metro Manila at iba pang malalaking lungsod.
“Ihanda natin ang mga probinsiya dahil marami pong pamilya ang gustong umuwi na pagkatapos ng krisis na ito. Isa sa dapat ikonsidera ay ang kahandaan ng mga eskwelahan at learning institutions sa mga lilipat na estudyante,” anang senador.
Si Sen. Go ang nagmungkahi kamakailan na ipatupad ang Balik Probinsiya Program kapag natapos na ang krisis sa COVID-19.
Ipinaliwanag pa ni Go na isang dahilan kaya umaalis sa probinsya ang mga tao ay sa paniwala nila na mas maganda ang edukasyon sa Metro Manila.
“Tulad ko noon, probinsyano po ako pero lumipat ako sa Maynila para makapag-aral. Pero kung maayos ang mga eskwelahan sa probinsya, hindi na kailangang pumunta pa sa siyudad ang mga estudyante at mapalayo pa sa pamilya nila,” dag-dag pa ni Go.
Comments are closed.