MATAPOS ang sunod-sunod na gintong medalya na nasungkit ng ating mga atleta sa 30th Southeast Asian Games, kumpiyansa si Senador Win Gatchalian na maisasakatuparan ang pagkakaroon ng Philippine High School for Sports sa susunod na taon.
Isa si Gatchalian sa mga nagmungkahi na magkaroon ng Philippine High School for Sports sa New Clark City kung saan maraming sports facilities ang naitayo para sa isinagawang SEA Games.
Ayon sa senador, panahon na upang makita ang talento sa larong pampalakasan ng mga kabataan mula sa hanay ng mga mahihirap na kadalasan ay napapagkaitan na makapasok bilang Pinoy athletes.
Paliwanag ni Gatchalian, sa pamamagitan ng pagkakaroon ng Sports Academy o Philippine High School for Sports, mas lalong sasanayin at palalakasin ang kakayahan ng mga mahihirap na kabataan sa iba’t ibang larong pampalakasan.
Aniya, kung nais ng bansa na magkaroon ng sariling world-class athletes, dapat na sanayin sila sa world-class sports facilities tulad ng mga naitayong pasilidad sa New Clark City at sa iba pang sports facilities sa iba’t ibang lugar ng bansa na ginagamit ngayon sa SEA Games.
Sinabi ni Gatchalian, scholars ang lahat ng mag-aaral sa High School for Sports na para ring nasa ordinaryong HS, pero important feature rito ay ang sports facilities habang ang academics ay manggagaling mula sa gobyerno.
Dahil dito, iginiit ni Gatchalian na mahihikayat ang mga international donor at corporate sponsor na nais na ma-develop ang mga sporting event sa Filipinas kaya kumpiyansa itong agad na makalulusot sa Kongreso. VICKY CERVALES
Comments are closed.