Kumikilos na ang Kamara de Representantes para mapalakas ang sistema ng pagbibigay ng suporta sa mga atletang Pilipino.
Sa ibinigay na heroes welcome sa mga atletang lumahok sa 2024 Olympic Games sa Paris noong Miyerkoles, sinabi ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na nirerepaso na ang Republic Act (RA) No. 10699 o ang National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act upang malaman ang mga kinakailangang pagbabago.
Bukod sa pagkilala sa mga natamong tagumpay ng mga atleta, iginiit ni Romualdez ang pangangailangan na pagbutihin ang umiiral na mga batas upang mapahusay ang kalagayan ng Philippine sports community.
Inatasan ni Romualdez si Isabela Rep. Faustino Michael Carlos Dy III, chair ng House Committee on Youth and Sports Development na pangunahan ang pagsusuri ng nabanggit na batas.
“We will conduct a review of our legislation, among others, Republic Act No. 10699, the National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act. Kailangang amyendahan natin para maibibigay ang suporta at tulong po sa lahat ng mga atleta natin,” ayon kay Romualdez.
“So, we shall be conducting review. I will ask our chairman, Mike Dy to conduct a review on how we can further improve the legislation para suportahan natin ang sports sa Pilipinas and to make the appropriate appropriations,” anito.
“We will be meeting again further with our friend, [Chairman Richard] Dick Bachmann from the Philippine Sports Commission and of course with President Abraham ‘Bambol’ Tolentino of the Philippine Olympic Committee and of course the stakeholders on how we can improve the plight of our athletes,” dagdag nito.
Bukod kay Speaker Romualdez, kasama rin sina Tingog Rep. Yedda K. Romualdez, Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Majority Leader Manuel Jose Mannix “M. Dalipe, Isabela Dy, at House Secretary General Reginald “Reggie” S. Velasco na nanguna sa paggawad ng incentives at pagkilala sa mga atleta at coaches na dumalo sa pagdiriwang.
Ang Olympian na si Carlos Edriel Yulo ay tumanggap ng P6 milyon mula sa Kamara para sa kaniyang nasungkit na dalawang medalyang ginto at karagdagang P8.010 milyon na kontribusyon mula sa mga kinatawan ng Kamara na pinangungunahan nina Speaker Romualdez, Rep. Yedda Romualdez, House Committee on Appropriations Chairman Zaldy Co, Gonzales, Dalipe, at Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez.
Ang halagang ito ay bukod pa sa P500,000 natanggap ni Yulo bago umalis patungong Paris Olympics. Sa kabuuan ay umaabot sa P14.510 milyon ang natanggap na cash incentive ni Yulo.
Habang sina Nesthy Petecio at Aira Villegas— ang kababayan ni Romualdez mula sa Tacloban City ay nakatanggap naman ng tig-1 milyon dahil sa kanilang nakuhang bronze medal at karagdagang P2.5 milyon bawat isa mula sa kontribusyon ng mga mambabatas. Sila ay nakatanggap din ng P500,000 bago tumulak sa Pransya, o kabuuang P4 milyon bawat isa.
Habang ang nalalabing 19 Olympic athletes ay nakatanggap naman ng kabuuang P1 milyon: P500,000 bago umalis ng bansa at P500,000 na tinanggap sa araw ng pagkilala sa Kamara.
Ang 22-world class Filipino athletes ang kumatawan sa Pilipinas sa siyam na sporting events. Ito ay sina Yulo, Aleah Finnegan, Emma Malabuyo at Levi Ruivivar para sa artistic gymnastics; Villegas, Petecio, Hergie Bacyadan, Carlo Paalam, at Eumir Marcial sa boxing; Ernest John Obiena, John Cabang-Tolentino at Lauren Hoffman para athletics; Vanessa Sarno, John Febuar Ceniza at Elreen Ann Ando sa weightlifting; Joanie Delgaco sa rowing; Samantha Catantan para fencing; Kayla Sanchez at Jarod Hatch para sa swimming; Bianca Pagdanganan at Dottie Ardina para golf; at Kiyomi Watanabe sa judo.
Ang panawagan ng Speaker para sa reporma ay kasunod ng mahusay na performance ng Pilipinas sa Paris Olympics, kung saan nakuha ng mga Pilipino ang pansin ng buong mundo sa pamamagitan ng pag-uwi ng mga medalya na nagpakita ng lumalaking kakayahan ng bansa.
Pinangunahan din ni Speaker Romualdez ang pagbibigay ng Congressional Medal of Excellence (na pinagtibay bilang Resolution No. 233) kay Yulo at ng Congressional Medal of Distinction (sa pinagtibay na Resolution Nos. 239 at 240, ayon sa pagkakasunod) naman sa mga bronze medalist na sina Petecio at Villegas.