(Hirit sa gobyerno sa gitna ng COVID-19 crisis) RICE IMPORTS LUWAGAN

REP SALCEDA

HINILING ni House Committee on Ways and Means chairman at Albay Rep. Joey Salceda sa pamahalaan na luwagan ang patakaran sa pag-aangkat ng bigas sa harap ng nararanasang krisis dulot ng COVID-19.

Pinatitiyak din ni  Salceda ang mga kasunduan sa ibang bansa ukol dito para maiwasan ang kakulangan sa suplay ng bigas.

“Relax rules and regulations on rice importation. Consolidate small import orders through the Philippine International Trading Corporation (PITC),” pahayag ng kongresista.

Aniya, ang  hakbang na ito ay mahalaga dahil sa kawalan ng katiyakan na makapag-aangkat ng bigas ang Filipinas mula sa Vietnam at Thailand.

Nauna nang binabaan ng Thailand ang kanilang exports sa 8 million metric tons mula sa dating 10 million metric tons dahil sa tagtuyot.

Pansamantala namang  ipinagbawal ng Vietnam, ang pinakamalaking rice exporter, ang pagluluwas ng bigas para masigurong mayroon silang sapat na domestic supply sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Samantala, pinatitiyak ni Salceda sa Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na walang magiging problema sa paggalaw ng rice supply, gayundin ng  iba pang materyales at kagamitan na kakailanganin sa produksiyon ng bigas.

Ipinanukala niya ang pagkakaloob ng permits sa mga nagtatrabaho sa rice supply chains tulad ng mga magsasaka at nagde-deliver ng bigas sa mga warehouse para hindi sila maharang sa quarantine checkpoints.