HANGZHOU, China — Sisikapin ni Joanie Delgaco na gumawa ng kasaysayan sa kanyang pagsabak sa finals ng women’s single sculls event ng 19th Asian Games ngayong Lunes sa Fuyang Water Sports Center dito.
Dehado si Delgaco, 25, sa karera na magsisimula sa alas-9:10 ng umaga dahil mapapalaban siya sa mabibigat na katunggali na pinangungunahan ng isang seasoned Uzbek na nagwagi ng silver medal sa Tokyo Olympics noong nakaraang taon.
Paborito si Anna Prakaten, na ipinanganak sa Bulgaria, naglaro para sa Russia at ngayo’y kinakatawan ang Uzbekistan, makaraang pangunahan ang semifinals sa pitong minuto at 47.88 segundo, malayo sa 8:18.30 na naitala ni Delgaco para mag-qualify sa medal round.
Nasa field din sina Shino Yonekawa ng Japan, Liu Ruiqi ng China, Leung Wing Wun ng Hong Kong at Huang Yi Ting ng Chinese Taipei.
Kung kakasihan ng suwerte si Delgaco, ito ang magiging kauna-unahang gold medal ng mga Pinoy sa rowing competition ng prestihiyosong continental tourney.
Ito rin ang kanilang magiging unang medalya magmula nang sumagwan sina Alvin Amposta at Nestor Cordova ng bronze medal sa men’s lightweight doubles sculls sa Busan edition ng Asiad noong 2002.
Aminado si Philippine Rowing Association President Patrick Gregorio na hindi magiging madali ang laban subalit umaasa siyang gagawin ni Delgaco ang lahat para gumawa ng kasaysayan.
“I’m very happy that Joanie is in the finals. She is the only Southeast Asian rower in the finals tomorrow,” sabi Gregorio.
“It’s going to be tough competition against No. 1 seed Uzbekistan, then China, Japan, and Chinese Taipei. Joanie will be racing in Lane 2 with the No. 1 seed. Hopefully, she outperforms herself.”
Inamin ni Gregorio na mabigat na kalaban ang Uzbek subalit may tsansa, aniya, na makasilat si Delgaco, ang ipinagmamalaki ng Bicol.
“Joanie’s personal best is 7:39, which she did last week in training at the La Mesa Dam,” ani Gregorio.
“If she duplicates it, she has a good chance of pulling an upset.”
Sasabak din sa final day ng hostilities si Tokyo Olympics veteran Cris Nievarez.
Si Nievarez ay lalahok sa Final B ng men’s single sculls event sa alas-9:20 ng umaga para madetermina ang kanyang final standing sa torneo.