ANG compound ng Bilibid ay hindi lamang para sa mga akusadong kriminal, ito rin ay isang pasyalan at lugar na kung saan makikita ang ilang historical sites na magpapaalala sa atin ng ating makulay na kasaysayan.
Isa sa mga tampok na pasyalan dito ng mga taga Muntinlupa ay ang Jamboree Lake, ang tinaguriang pinakamaliit na lawa sa Pilipinas.
Noong taong 2015 buwan ng Pebrero, ang pinakamaliit na lawa ay dumaan sa isang rehabilitasyon at nagpakawala ng mga isdang ayungin. Mayroon ditong mga maliit na kubo na puwedeng mamahinga habang tinitingnan ang view ng lawa.
Bukod dito, makikita sa tabi ng lawa ang mga cottage na puwedeng pagtambayan at pahingahan ng mga namamasyal. Ngunit ang lawa ay may mga alituntunin na kailangan sundin ng mga bumibisita para mapanatili ang kaayusan nito.
Katabi lang ng lawa ay ang tinatawag ng mga Muntinlupeño ay groto kung saan makikita ang lumang kanyon o anti-aircraft gun na ginamit noong ikalawang digmaan. Marami ring bumibisita sa lugar na ito tuwing Sabado at Linggo.
SUNKEN GARDEN
Mula sa groto ay matatanaw na ang sunken garden na malapit lang sa New Bilibid Prison. Hindi lang nagiging pasyalan ang Sunken Garden, ginagamit din ang lugar bilang football field, at ng mga photographer para sa mga gustong magpakuha ng larawan sa kanilang prenup at debut.
JAPANESE CEMETERY
Ang Japanese Cemetery ay isang memorial shrine para sa mga sundalong Hapones na hinatulan ng kamatayan bilang parusa sa kanilang nagawang krimen noong ikalawang digmaan. Ang mga sundalong Hapon na ito ay tinawag na 17 Japanese warriors of Muntinlupa.
Ayon sa mga nagbabantay sa lugar, may mga ilang Hapon din na bumibisita para magbigay galang sa kanilang mga namayapang kababayan. Sa loob ng Japanese Cemetery makikitang itinayo ang batong dambana o ang Houkyouin Stone Tower sa paniniwalang magiging payapa ang mga kaluluwa ng mga pumanaw sa katabing sementeryo kasama ng 17 Japanese Warriors ng Muntinlupa.
Sa ngayon, ang mga mga historical site na nagpapaalala sa atin ng kasaysayan ng pananakop ng mga dayuhan at pakikipaglaban upang makamit ang ating kalayaan ay tila napabayaan.
Nakalulungkot na makita na ang ilan dito ay tadtad ng vandalismo at mga kalat. Tanda na ang mga ito ay hindi binibigyan ng halaga ng ilan sa atin.
Comments are closed.