HITMAN NG PRIVATE ARMED GROUP NASAKOTE

LAGUNA- BUMAGSAK sa mga kamay ng Laguna police Intelligence unit ang isang hitman na miyembro ng private armed group dahil sa pag- iingat ng walang lisensiyang mga baril.

Sa pahayag ni Col. Harold Depositar, Laguna police director, kinilala ang suspek na si Roberto Banaag, 42-anyos at residente ng Barangay Macasipac, Sta. Maria , Laguna.

Ang search warrant na inisyu ni Judge Agripino Bravo ng RTC – Lucena City ay inihain sa bahay ng suspek.

Ayon kay Depositar, si Banaag ang isa sa hitman na nag- ooperate sa Laguna kung saan base sa intelligence report ay maaari umanong magamit ito ng ilang grupo para sa darating na Barangay at SK election.

Sa ginawang pag-aresto sa suspek, nakuha sa posesyon nito ang isang caliber.45 pistol, dalawang steel magazine at mga bala.

Inaresto din ng mga awtoridad ang asawa ng suspek na si Evangeline nang tangkain nitong itago si Banaag sa loob ng bahay.

Ang mga suspek at ang mga nakumpiskang mga gamit ay dinala sa Criminal Investigation and Detection Group- Laguna Provincial Field Unit para sa kaukulang proseso.

Kakasuhan si Banaag ng paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. ARMAN CAMBE