(ni NENET L. VILLAFANIA / Mga kuha ni ROSE LARA)
TAON-TAON, ginugunita sa Filipinas ang pista ng Poong Nazareno tuwing January 9 dahil milyon-milyong mga deboto ang naniniwala sa hiwagang dala ng imaheng ito. Sa liit ng Maynila, kataka-takang inaabot ng 20 oras o higit pa ang prusisyon nito (Traslacion), mula Quirino Grandstand hanggang Quiapo Church. Katakot-takot ding problema at disgrasya ang inaabot ng mga deboto habang sumasabay sa prusisyon. May mga inaatake ng high blood at sakit sa puso, hinihimatay, nagkakasugat at mayroon ding namamatay dahil sa panatikong debosyon.
Hindi man sinusuportahan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang ganitong panatismo, binibigyan naman nila ito ng malalim na pag-unawa sa Simbahang Katoliko. Hindi umano maiaalis sa mga Filipino ang pananalig sa Diyos at pananampalataya ng mga deboto sa imahen ng Poong Nazareno.
Gayunman, dapat nating malamang ang fiesta ng Black Nazarene of Quiapo sa Maynila ay hindi ang pinakamalaking debosyong Katoliko sa bansa. Mas maraming dumarayo at namamanata sa Santo Niño de Cebu, kahit pa hindi naman nagkakalayo ang dami nila. Hindi masyadong nabibigyang pansin ang Santo Nino sa Kamaynilaan dahil nauuna ang El Senor Nazareno ng ilang araw.
Ang pista ng Viva Senor Santo Niño at ang susunod na araw ng Linggo matapos ang pista ng Nazareno. Ngunit sa totoo lang, hindi iisang probinsya o siyudad ang nagdiriwang sa pista ng Santo Niño, kumpara sa Nazareno na sa Quiapo lamang at sa Batangas nagaganap ang selebrasyon. May mga naipamahagi kasing replica ang Santo Niño sa Pandacan, Tondo at Batangas, na kasabay nagdiriwang kapag kapistahan nito.
Mabalik tayo sa Nazareno — sa kasamaang palad, ang imahen ng “Nuestro Padre Jesus Nazareno,” na ipinuprusisyon taon-taon, ay hindi ang orihinal na estatwa. Ang orihinal ay nawasak na noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig nang maiwan ito sa Intramuros.
ANG SIMULA
Walang nakaaalam kung kailan nagsimula ang debosyon sa Mahal na Poong Nazareno kahit pa sinasabi nilang may 400 taon na ito. Itim na Nazareno (The Black Nazarene) dahil nililok ito ng isang Aztec artist na kinulayan ito ng itim o dark brown upang ibagay sa kanilang lahi na may kulay ng mulat-to, o anak ng itim at puti. Ayon sa mga mananaliksik, hindi rin sigurado kung kailan nga dumating sa bansa ang imaheng ito kahit pa sinasabing dala ito ng mga Augustinian Recollect missionaries noong 1606, ngunit walang maipakitang ebidensya ang mga Augustinian Recollects tungkol dito. Kahit ang mga tala ni Fray San Jeronimo, isa sa 10 pari at apat na magkakapatid ng nasabing misyon, ay walang maipakitang patunay na sila ang nagdala sa Black Nazarene. Isinulat lamang niya noong May 1, 1605 ay inatasan sila ni Felipe Rey ng España na magtungo sa Filipinas.
Sa paglalayag ng mga pari sa karagatang Pasipiko, nakaranas sila ng mga bagyo. Nanalangin sila at nalusutan ang lahat ng ito. Maituturing umanong ito ang unang milagro ng Nazareno, liban na lang sa walang tala na kasama nga nila ang Black Nazarene sa paglalayag. Gayunman, nagdasal umano ang mga paring Recoletos kay Jesucristo, kaya nakarating sila sa Cebu noong Mayo 10, 1606.
Hindi sa Quiapo kundi sa Intramuros namalagi ang mga paring Recoletos nang makarating sila sa Maynila. Nagpagawa ng kumbento para sa kanila si Governor General Pedro de Acuña bilang regalo, kung saan ang naging patron ay si St. John the Baptist, ang patron saint ng Quiapo Church sa kasa-lukuyan – kaya ang ipinagdiriwang na Araw ng Maynila ay June 24, araw ng kamatayan ni San Juan.
Nagsimula umano ang debosyon sa Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang orihinal na Nazareno sa Intramuros dahil daw sa mga pamahiin at kultong pinaniniwalaan ng mga Filipino. Kung mapupuna ay pinayagan ng mga naunang paring Kastila na isabay sa kanilang mga tradisyon ang mga fiesta ng mga santo.
Samantala, nabanggit sa kasaysayan na dumating ang Cofradia de Jesus Nazareno sa Quiapo noong1650s, at mula noon ay nalampasan na nito ang ebosyon kay San Juan Baustista na siyang patron ng Quiapo. May posibilidad umanong nagsimula ang malawakang debosyon sa Nazareno noong 1767, matapos bendisyunan ni Archbishop Basilio Sancho.
KATAWAN NI CRISTO
Kapag nagpapasubo tayo ng hostia (katawan ni Cristo), sinasabi muna ng pari ang mga katagang “Katawan ni Cristo” na sasagutin naman natin ng “Amen” bilang tanda ng pagsang-ayon.
Ang imaheng iyan na binalutan ng damit na maroon ay niyakap ng mga Filipino sa kanilang pananampalataya. Pasan niya ang nasabing krus sa Filipinas mahigit 400 taon.
Kakaiba nga lamang ang krus na pasan niya sa hitsura ng totoong krus na pinagpakuan sa kanya. Ang krus ni Cristo sa Quiapo ay kulay itim na may mga rebete ng ginto sa apat na sulok. Hindi rin siya hubad kundi nababalutan ng velvet maroon dress na may mga palamuti ring ginto.
PANATISMO NG MGA FILIPINO
Dalawa ang imahen ng El Señor de Nazareno sa Quiapo. Isa ang nasa itaas ng altar at isa pa sa chapel katabi ng simbahan. Kahit alin dito ay hindi orihinal na rebulto, ngunit sinasamba pa rin ng mga Filipinong mananampalataya. Hinahalikan ito sa paa (pati po ang inyong lingkod ay gumagawa nito tuwing nagsisimba sa Quiapo), pinupunasan ng panyo at itinatago ito sa mahabang panahon, inaalayan ng bulaklak, at ipinagtitirik ng kandila, liban pa sa paglakad ng paluhod mula sa pinto ng simbahan hanggang sa altar – kasabay ng hiling na panalanging matupad sana ang kanilang mga idinadaing.
Sa ganitong paraan ipinakikita ng mga mananampalataya ang kanilang debosyon sa loob ng isang taon. Ngunit sa iba ay hindi pa ito sapat. Kailangan nilang sumama sa prusisyon – tulad ng mga Muslim na nagnanais magtungo sa Mecca kahit minsan lamang sa kanilang buhay – dahil sa ganoong paraan ay nadarama nila ang katapatan ng kanilang pananampalataya. Hindi man ito sinusuportahan ng Simbahang Katoliko, hindi rin naman nila ito sinasawata.
Ngunit para sa inyong lingkod, isang malaking insulto sa pagpapakahirap ni Cristo na saktan natin ang ating mga sarili para lamang sa nasabing debosyon. Namatay si Jesus sa krus para tubusin ang ating mga kasalanan at para hindi na natin danasin ang apoy ng impiyerno. Siya lamang ang makagagawa nito dahil anak siya ng Diyos. Oo nga at sinasabing anak din tayo ng Diyos, ngunit wala tayo ng mga kapangyarihang mayroon si Cristo para tubusin ang kasalanan. Ngayong January 9, magkakaroon na naman ng prusisyon sa Kamaynilaan. Marami na naman ang darating na deboto at marami na naman ang masasaktan o maaaring mamatay. Natubos na tayo ni Cristo sa ating mga kasalanan. Ang kailangan na lamang nating gawin ay maging mabuting tao na sumusunod sa 10 utos ng Diyos upang makaakyat sa langit.
Sa ngayon, dahil sa napakatagal nang debosyon sa Mahal na Nazareno, ay naging bahagi na ito ng ating kultura. May sarili na itong kasaysayan at kaugaliang kinamulatan at kamumulatan pa ng iba. Sa mga milagrong naipagkaloob na ng Nazareno, dapat tayong magpasalamat, ngunit hindi gugustuhin ng Diyos na masaktan ang pinakamamahal niyang mga alagad. Hindi nga ba at dahil sa pagmamahal niya sa atin ay pinababa niya ang nag-iisa at pinakamamahal niyang anak na si Jesus upang tubusin ang ating mga kasalanan? (Para sa mga komento sa artikulong ito, ipadala po lamang sa [email protected]).
Comments are closed.