‘HIWAGA’ SA LIKOD NG 2021 NATIONAL BUDGET

BIGWAS KOLUM

MISTULANG mayroon na namang nangyaring ‘kababalaghan’ sa ginanap na bicameral conference committee sa 2021 national budget dahil mismong si Senador Ping Lacson na Vice Chairman ng Senate Committee on finance ang umaasang ivi-veto ni Pang. Rodrigo Duterte ang aniya’y ‘excessive’ insertions na ginawa ng Kamara  sa pambansang budget para sa susunod na taon.

Eh paano kasi’y ibinulgar ni Lacson sa isang virtual press briefing na mayroong P28B ang idinagdag ng mga kongresista sa budget ng DPWH. Sa ngayon, ay kinukulit na ni Lacson ang pagsasapubliko kung saang mga distrito at kung kani-kaninong mga kongresista napunta ang idinagdag na pondo sa DPWH budget. Ang masakit pa nito, sa AFP modernization program ng Dept of National Defense kinaltas ang P8B samantalang kinaltasan din ang budget ng DICT na nauna nang dinagdagan ng Kamara at Senado ng P5B dahil P900M lamang ang orihinal nitong pondo. Ngayon umaabot na lamang sa P1.9M ang budget ng DICT na matinding hamon pa naman ang hinaharap sa kanilang internet roll out dahil sa panahon ng pandemya.

Sa pagtalakay ng Senado sa bicam report ng budget, inamin mismo ni Senate Committee on Finance Chairman Senator Sonny Angara na baka masakripisyo ang buong 2021 national budget at hindi ito maipasa kung hindi mapagbibigyan ang ginawang insertions ng mga kongresista. Una nang sinabi ni Lacson na P620M ang pinakamaliit na budget na napunta sa mga kongresista at umabot naman sa P15B ang pinakamaking budget na napunta sa isang distrito sa Davao. Sinasabing karamihan sa mga nakinabang ay mga kabarkada at kaalyado ni Speaker Lord Allan Velasco.

Hindi pumirma si Lacson sa bicam report ng budget dahil hanggang ngayon ay hindi pa aniya malinaw kung saan mapupunta ang P28B na insertion sa DPWH. Aniya, nasasayang lang ang pagpupuyat at pagpapagod nila sa pagtalakay ng budget dahil binabago naman ito sa pulong ng bicam na hindi nalalaman ng publiko. Tandaan natin, na karapatan nating lahat na malaman kung paano pinoproseso ang budget at kung saan ito gagamitin dahil ito ay pera natin. Nagmumula ito sa buwis na ating ibinabayad sa gobyerno. Kaya karapatan nating malaman kung anong mga proyekto ang popondohan ng mga ito dahil baka sa bulsa lamang ng mga mambabatas ang lagapak nito lalo na at eleksiyon na sa 2022.

Kung tutuusin, parang masasayang lang ang pinaghirapan ng Kongreso at Senado na pagsasabatas sa Bayanihan 1 at 2 para tugunan ang dagok na dala ng pandemyang COVID-19. Sabi pa nga ni Lacson, hindi ‘responsive’ sa tawag ng panahon ang 2021 national budget dahil mas inuna pa ng mga kogresista ang alokasyon ng mga pondo sa planong pagpapagawa ng mga covered court kaysa isipin ang mga hakbang at programa na kailangan ng ating mga kababayan para sa patuloy na pagharap sa problemang dala ng COVID-19. Imbes na pag-igihan ang online services ng DICT na kailangang-kailangan lalo pa ng ating mga mag aaral dahil sa online classes, inilipat pa ito para pondohan ang mga proyekto ng mga kongresista. Malapit na kasi ang election period.

Kaya ‘yung sinasabi ng gobyerno na ‘reset, rebound, recover’ na dapat ay layunin ng 2021 national budget ay tagilid sa ating pananaw.  Ano ba na-man itong mga kagalang-galang nating mga kongresista, hindi ba nila naisip na sandamakmak nang bakuna sa COVID-19 ang mabibili sa halagang P28B na isiningit nila sa DPWH budget? Hiyang-hiya naman kami sa inyo. Ang COVID-19  mass vaccination ay umarangkada na sa United Kingdom at Russia. Susunod na ngayong linggo ang US, maging ang Canada, Mexico, Bahrain at Saudi Arabia bago matapos ang taon. Oo nga at sinasabi ng Pangulo na may sapat na pondo para sa pagbili ng bakuna, bakit hindi man lang inisip ng ating mga kongresista na kusang tumulong sa gobyerno? Yun man lang ginamit sana nila na  pondo para sa mga covered court  ay inilaan na lamang para pambili ng mga bakuna para mas maraming Filipino ang maligtas sa COVID-19. Tsk, tsk, tsk!

Kaya siguro, ‘di na tayo dapat magtaka kung bumulusok na naman pababa ang trust at approval rating ng Kamara na pinagsikapang itaas nang nakaraang House leadership sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Kongreso. Kasi naman itong mga galawan ng Kamara walang-wala sa hulog. Maagang preparasyon sa eleksiyon ang ginagawa sa halip na paigtingin ang paglutas sa mga problemang idinulot at patuloy na idinudulot ng COVID-19. Minsan, isipin n’yo naman ang mga taong inyong pinagsisilbihan at hindi ang inyong sariling kapakanan.

Comments are closed.