HODGE, TENORIO, SANGALANG PARARANGALAN NG PBAPC

KABILANG ang veteran trio nina LA Tenorio, Ian Sangalang, at Cliff Hodge sa pararangalan ng PBA Press Corps sa 30th Awards Night nito sa Sept. 24 sa Novotel Manila Araneta City.

Si do-it-all Hodge ang Defensive Player of the Year, habang tatanggapin nina Tenorio at Sangalang ang Bogs Adornado Comeback Player of the Year award mula sa grupo ng sportswriters na regular na nagko-cover sa Asia’s pioneering pro league.

Ang event ay magsisimula sa alas-7:30 ng gabi at handog ng Cignal.

Ang 36-anyos na si Hodge ay may average na 9.6 points, 5.3 rebounds, at 3.2 assists.

Si Hodge ay bahagi ng Bolts magmula pa noong 2012 nang piliin siya ng koponan bilang no. 4 overall sa draft.

Gumanap siya ng malaking papel nang sa wakas ay makopo ng franchise ang kauna-unahang PBA championship makaraang gapiin ang highly-favored San Miguel Beermen sa anim na laro ng Philippine Cup finals noong nakaraang season.

Sasamahan ni Hodge ang mga tulad nina Marc Pingris, Chris Jackson, Arwind Santos, Freddie Abuda, Chris Ross, at June Mar Fajardo, na naging recipients ng naturang award.

Samantala, sina Tenorio at Sangalang ay pararangalan para sa kanilang matagumpay na pagbabalik sa active duty matapos ang kani-kanilang pakikipaglaban sa career-threatening illnesses.
Si Sangalang ay na-diagnose kamakailan na may hyperthyroidism upang hindi siya makapaglaro sa Season 47 sa Magnolia.
Naging bukas sa publiko ang health condition ni Tenorio nang ianunsiyo ng Barangay Ginebra team captain na tinamaan siya ng stage three colon cancer. Dahil sa kanyang sitwasyon ay hindi siya nakapaglaro sa Season 47 Governors’ Cup na pumutol sa kanyang 744 consecutive games played.
Subalit matapos magpagamot, sina Sangalang at Tenorio ay malusog na ulit at muling nakapaglaro para sa kani-kanilang koponan, at tatanggapin ang special award na ipinangalan kay PBA great William ‘Bogs’ Adornado, na matagumpay na nakabalik mula sa dalawang career-threatening knee injuries at naging three-time league MVP.