MAY P1 bilyon sa Quick Response Funds (QRF) ang Depart ment of Agriculture (DA) na magagamit nila para resolbahin ang pagkalat ng African Swine Fever (ASF).
Ayon kay Senador Sonny Angara, chairman ng Senate Finance Committee, panahon na upang gugulin ng gobyerno ang emergency fund nito para maisalba ang hog industry ng bansa na kumikita ng hanggang P280 bilyon at nakadaragdag sa paglakas ng ekonomiya.
“Kahit saang anggulo natin tingnan, ang ASF ay maituturing na kalamidad. Hindi man ito kasing bangis ng mga bagyo, matindi naman ang tama nito sa kabuhayan lalo na sa mga negosyong may kaugnayan dito,” ayon sa senador.
Aniya pa, kung ikukumpara ang ASF sa iba pang agriculture disasters tulad ng peste at tagtuyot, pinakamalubha ang epekto ng ASF dahil malaki ang posibilidad na maging ganap itong kalamidad.
Ani Angara, maaari namang pondohan ang isang programa kontra ASF sa pamamagitan ng P20-B National Disaster Risk Reduction and Management Fund na nakapaloob sa GAA 2020.
Nitong Setyembre 10 lamang, nagpalabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng P82.5-M para sa DA na ilalaan ng ahensiya sa paglaban nito sa ASF.
Sa naturang halaga, ayon kay Angara, P35-M ang gagamitin para sa security screening measures na ipatutupad sa mga internasyonal na paliparan.
Halagang P28M naman ang mapupunta sa laboratory testing ng mga karne at iba pang meat products.
“Kung kailangang mapondohan ang ganyang concern sa national budget, bukas ang Senado sa anumang suhestiyon mula sa mga kaibigan natin sa DA,” saad pa ni Angara. VICKY CERVALES
Comments are closed.