UMABOT na sa halos apat na bilyong piso ang ikinalugi ng industriya ng pagbababoy dahil sa African Swine Fever (ASF).
Ito ang naitala ng Department of Agriculture (DA) mula nang tumama ang ASF noong kalagitnaan ng Agosto.
Ayon kay Agriculture Sec. William Dar, tinatayang isang bilyong piso ang nawawala sa hog industry kada buwan.
Pero sinabi ni Dar, patuloy na bumababa ang kaso ng ASF sa mga lugar na tinamaan nito.
Aniya, wala na ring naitatalang bagong kaso ng ASF sa iba pang lugar.
Bumabalik na rin ang tiwala ng mga consumer at nakakabangon na rin ang mga negosyante.
Sa datos ng Bureau of Animal Industry, umabot sa 612 barangay sa 73 bayan sa siyam na lalawigan kabilang ang Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Aurora, Tarlac, Rizal, Cavite, Pangasinan at iba pang bahagi ng Metro Manila ang naapektuhan ng ASF.
Mula sa nasabing bilang ng Barangay, 329 dito ang nagpositibo sa ASF habang ang 283 na barangay ay sumailalim sa depopulation.
Nasa halos 150,000 baboy ang pinatay mula noong outbreak nitong Agosto, kung saan higit 121,000 ay mula sa backyard farms.
QC AT ILANG LUGAR SA LUZON NASA RED ZONE PA RIN NG ASF
Samantala, nananatili pa ring ASF free ang Visayas, Mindanao at Mimaropa Region habang nasa protected zone ang Region 1, 2 at 3. Survival zone naman ang ilang probinsya ng Region 3 at Region 4A.
Bukod-tanging ang Bulacan, Pampanga, Quezon City at Camanava area ang nasa red zone o may mga kaso pa rin ng ASF.
Gayunpaman, tiniyak ni Department of Agriculture na bumababa na ang bilang ng kaso ng African Swine Fever sa mga baboy sa buong bansa.
Sa isang panayam kay Sec. William Dar, maituturing na umanong kontrolado ng pamahalaan ang kaso ng ASF lalo na sa Luzon.
Umabot umano sa 4 na bilyong piso ang kabuuang nalugi sa mga hog raisers mula ng magkaroon ng ASF sa bansa noong kalagitnaan ng buwan ng Agosto hanggang sa kasalukuyan.
Dahil dito, naglabas na rin ang ahensya ng kabuuang 80 milyong piso at karagdagang 1 bilyong piso mula kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa ayuda ng mga magbababoy kung saan nakatanggap ng tig-P5,000 ang mga ito.
May ginawa na ring zoning plan ang DA at mga Local Government Unit upang mabilis matukoy ang mga lugar na mayroon pa ring ASF.
Comments are closed.