HOG RAISERS NA APEKTADO NG ASF INAYUDAHAN

BABOY-3

TUMANGGAP ng tulong ang mga hog raiser na naapektuhan ng African Swine Fever (ASF) mula sa lokal na pamahaan ng Benguet.

Magugunitang nagpositibo ng nakahahawang ASF ang mga alagang baboy sa Tuba, La Trinidad at Itogon sa probinsiya ng Benguet.

Sinabi ni Benguet Provincial Veterinarian Miriam Tiongan na namahagi ang lokal na pamahalaan ng tig-200 na sisiw sa mga naapektuhang hog raisers sa tatlong bayan.

Ipinaliwanag niya na ipinamahagi ang mga sisiw habang hinihintay ng mga hog raiser ang tulong pinansiyal mula sa Department of Agriculture (DA).

Nauna rito, ipinahayag ni DA-CAR Regional Director Dr. Cameron Odsey na aabot na sa 340 na baboy ang isinailalim sa culling sa lalawigan.

Kasunod nito, isinailalim din sa culling ang may 300 na baboy sa San Julian, Tabuk City, Kalinga.

Nabatid na babayaran ng DA ng tig-P5,000 ang bawat baboy na naapektuhan ng ASF at ang mga isinailalim sa culling, su­balit maximum na 20 baboy lang ang mababayaran sa bawat hog raiser. BENEDICT ABAYGAR, JR.