HOLDAP NABULILYASO SA SIGAW NG INDIAN NATIONAL

RIZAL- NAUDLOT ang ginawang panghoholdap ng riding in tandem sa isang Indian national nang humingi ito ng saklolo sa lungsod ng Antipolo.

Ayon sa report na dumating sa tanggapan ni Col. Dominic L. Baccay, Provincial Director ng Rizal PPO ay nadakip ang mga suspek sa isinagawang manhunt operation ng Antipolo PNP.

Sa inisyal na ulat, nitong Miyerkules bandang alas-11:38 ng umaga nang maganap ang isang robbery hold-up kung saan sakay ng motorsiklo ang mga suspek sa kahabaan ng 253 Sampaguita St. Brgy Dalig, Antipolo City.

Tinutukan ng mga suspek ang biktima na nakilalang si Jasvir Jalaf y Ram, 41-anyos, Indian National na kahit sobrang takot ay nagawa pa nitong humingi ng tulong sa mga tao sa paligid na tiyempong off-duty ang pulis na si Pat Lemuel Romualdes, miyembro ng Avation Security Group (AVSEG) na nadinig ang saklolo dahil sa tapat mismo ng kanyang bahay naganap ang insidente.

Mabilis na umaksyon ang pulis at kinompronta ang mga suspek ngunit kumasa ang mga ito kaya agad na kumilos at nagpaputok ng baril si Romualdes habang pinasusuko ang riding in tandem.

Sa pagmamadali ay inihagis umano ng suspek ang kanilang dalang Caliber .38 at mabilis na tumakas.

Agad namang nagsagawa ang Antipolo PNP ng manhunt operation na nagresulta sa pagkaka-aresto ng mga tumakas na suspek na nakilalang sina Jover dela Cruz at Marlon Cruz, 40-anyos at naninirahan sa 1982 Satum St., Brgy San Isidro, Taytay, Rizal. ELMA MORALES