HOLDAPER GUMAMIT NG TOY GUN, ARESTADO

Toy Gun

CAVITE – KALABOSO ang 29-anyos na lalaki na nangholdap ng negosyanteng babae gamit ang toy gun makaraang masakote ng awtoridad sa bahagi ng Barangay Granados, bayan ng General Mariano Alvarez, kamakalawa ng umaga.

Naghihimas ng rehas na bakal ang suspek na si Godofredo Tacubanza y Lara, construction worker, at nakatira sa nabanggit na barangay.

Base sa police report na naisumite sa Camp General Pantaleon Garcia, tinutukan ng toy gun ng suspek ang 32-anyos na biktimang si Rocelda Cajes y Ingente habang ito ay nasa bakuran ng kanyang bahay sa Barangay Pulido kung saan nagdeklara ng holdap.

Sa takot ng biktima ay ibinigay nito ang P5, 700 mula sa kanyang bulsa kung saan mabilis namang tumakas ang suspek.

Kaagad n ipinaabot sa mga opisyal ng barangay ang naganap na insidente kaya isinagawa ang follow-up operation makaraang may nakapag-bigay ng impormasyon na ang suspek ay nagkukuta sa kanyang bahay.

Dito na inaresto ng awtoridad ang suspek na itinanggi naman ang akusasyon habang nagsisisigaw at nagpupumiglas nang bitbitin ng mga opisyal ng barangay patungo sa himpilan ng pulisya. MHAR BASCO

Comments are closed.