HOLDAPER NA MAY PEKENG ID NG PULIS HULI SA HOT PURSUIT OPS

CAVITE – NAARESTO  ang suspek sa Imus City Robbery Hold-up sa loob ng isang oras kasunod ng hot pursuit operation ng Imus Component City Police Station sa Brgy Anabu 2-D, Imus City, Cavite, nitong Oktubre 2, 2024.

Nag-ugat ang hot pursuit na ginawa dakong alas-7:00 ng gabi noong Oktubre 2, Miyerkules, nang pinakabagong biktima na si Rolly G. Aguila, may-ari ng tindahan ng motorsiklo na matatag­puan sa Brgy. Pasong Buaya 1, Imus City, Cavite.

Dalawang lalaking suspek ang pumasok sa establisyimento at sabay tutok ng baril sa biktima. Nagdeklara ng hold-up ang dalawang suspek at mabilis na kinuha ang cellular phone ng biktima at ang benta ng tindahan na nagkakahalaga ng P10,000.

Mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa Brgy. Salawag, Dasmariñas City, sakay ng pu­ting Nissan Urvan na may plate number na ATA 6441.

Nagsagawa ng masusing imbestigasyon ang mga operatiba ng Imus City Community Police Station (CCPS) sa insidente ng pagnanakaw sa pamamagitan ng pagrepaso sa mga CCTV footage noong Oktubre 2, 2024 na sa huli ay humantong sila sa isang parking area sa Aguinaldo Highway, Brgy. Anabu 2-D, Imus City.

Natuklasan ng mga pulis ang get-away vehicle na ginamit at natagpuang nakaparada.

Ang driver ng sasakyan ay kinilala ng biktima at ng isang saksi bilang indibidwal na naroroon sa panahon ng pagnanakaw.

Matagumpay na naa­resto ng mga operatiba ang isa sa mga suspek na kinilalang si alyas “Jofferson,” 38-anyos, tubong Gapan, Nueva Ecija, at residente ng Brgy. Malagasang 1-G, Imus City, Cavite.

Samantala, ang kanyang kasabwat na kinilala sa pangalang alyas “Rogelio,” ng Brgy.  Molino 3, Bacoor City, Cavite.

Narekober  sa mga suspek ang dalawang plaka ng sasakyan na may numerong ATA 6441, isang maikling baril at bala, isang itim na airsoft pistol at cash na nagkakahalaga ng P1,580 sa iba’t ibang denominasyon at foreign currency.

Nasamsam din ng pulisya ang samu’t saring Identification Cards kasama na ang pekeng ID ng pulis, isang heat-sealed transparent plastic sachet, limang unsealed plastic sachet na may bakas ng parehong substance, at iba pang drug paraphernalia.

Pinuri ni PRO 4A Regional Director PBGen Paul Kenneth T. Lucas ang mabilis na pagkilos ng mga operatiba na sangkot sa agarang pagdakip sa suspek na iniugnay sa nangyaring robbery incident sa Imus City kamakailan.

SID SAMANIEGO