CALOOCAN CITY – ISANG holdaper na nambiktima sa isang driver at mekaniko gamit ang pekeng baril ay nasakote ng mga pulis.
Kinilala ang naaresto na si Joseph Reyes, 35, welder, ng Block 1 Lot 11, Shelterville Subdivision, Brgy. 171, Bagumbong matapos ang panghoholdap kay Charles Ivan Darwin Perito, 24, ng 315 T. Alonzo,St. Pag-Asa at Christian Castillo, 22, mekaniko, ng Robis 1 Area 4, kapuwa ng Brgy. 175, gamit ang caliber .45 replica.
Alas-12:15 ng hatinggabi, abala ang mga biktima sa pag-aayos ng motorsiklo sa loob ng motorcycle shop sa Block 7 Lot 27, Shelterville Subdivi-sion, Brgy. 171 nang bigla na lamang lumapit ang suspek at tinutukan sila ng baril sabay pahayag ng holdap.
Hindi na nakapalag ang biktima nang kunin ng suspek ang kanilang cellphone na nasa P16,000 lahat ang halaga bago mabilis na tumakas patungong Sampaguita Subdivision sakay ng isang motorsiklo.
Humingi naman ang mga biktima ng tulong sa Caloocan Police Community Precinct (PCP) 5 na agad nagsagawa ng checkpoint malapit sa naturang lugar na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek sa harap ng kanilang bahay at narekober sa kanya ang cellphone ng mga biktima at replica ng cal. 45.
Sinampahan ng pulisya ng kasong paglabag sa R.A. 10591, Batas Pambansa 881 o the Omnibus Election Code at robbery si Reyes sa Caloocan City Prosecutor’s Office. EVELYN GARCIA
Comments are closed.