HOLDAPER NA PUSHER MINALAS SA ENGKUWENTRO

holdaper

CALOOCAN CITY – PATAY ang isang umano’y notoryus holdaper at drug pusher matapos maki­pagbarilan sa mga pulis sa isinagawang buy bust operation noong Martes ng madaling araw.

Dead on the spot sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa katawan ang suspek na nakilala sa alyas “Totoy” nasa 30-35 ang edad, nakasuot ng dark t-shirt at brown short pants.

Sa tinanggap na ulat ni Caloocan Police Chief P/ Col. Restituto Arcangel, dakong ala-1:30 ng madaling araw nang ikasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/ Capt. Deo Cabildo ang buy bust operation kontra sa suspek sa Libis St., Manotoc Compd., Brgy. 160.

Habang nagtatransaksiyon, nakatunog ang suspek na pulis ang kanyang ka-deal kaya’t agad itong naglabas ng baril saka tumakbo habang pinaputukan ang mga ope­ratiba.

Napilitan namang gumanti ng putok ang mga operatiba hanggang sa tamaan sa katawan ang suspek na nagresulta ng kanyang kamatayan.

Narekober ng mga tauhan ng SOCO sa suspek ang cal. 38 revolver na kargado ng apat na basyo ng bala, tatlong plastic sachets ng ­hinihinalang shabu at buy-bust money. EVELYN GARCIA

Comments are closed.