HOLDAPER NADALE SA FOLLOW-UP OPERATIONS NG PULISYA

holdaper

CALOOCAN CITY – NASAWI ang isang hinihinalang holdaper na nambiktima sa dalawang pharmacists matapos makipagbarilan sa tumutugis na mga pulis ka­makalawa ng gabi.

Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Noel Flores, naglalakad sa 6th Avenue si Ramir Acuyong, 26, assistant pharmacist ng 48 Emilio Jacinto St., Concepcion, Malabon City at Alyssa Pauline Apalisok, 21, pharmacist ng 111 V. Sevilla St., 6th Avenue, Barangay 49, Caloocan City nang harangin ang mga ito ng hindi kilalang suspek saka tinutukan ng baril at nagpahayag ng holdap bandang 11:40 ng gabi.

Matapos kunin ang kanilang mga gamit, mabilis na tumakas ang suspek habang humingi naman ng tulong ang mga biktima kay P/Maj. Merben Bryan Lago ng Police Community Precinct (PCP) 2 na agad nagsagawa follow-up operation, kasama ang mga tauhan ng Station Special Operations Unit sa pangunguna ni P/Capt. John David Chua.

Bandang 2:10 ng madaling araw nang maispatan ng mga pulis ang suspek sa kahabaan ng 6th Avenue, Barangay 55 subalit sa halip na sumuko ay naglabas ng baril ang suspek at pinaputukan ang papalapit na mga pulis.

Gumanti ng putok ang mga pulis hanggang sa tamaan sa katawan ang suspek na nagresulta ng kanyang kamatayan.

Narekober ng pulisya sa suspek ang isang cal. super 38 pistol at isang pouched bag. VICK TANES

Comments are closed.