QUEZON- TATLONG parcel na nagkakahalaga ng P282,007 ang natangay ng mga holdaper sa LBC Sariaya Branch Brgy. Poblacion 5 bayan ng Sariaya kamakalawa ng hapon.
Base sa report ng Sariaya PNP, dakong alas-4 ng hapon nang holdapin ng mga suspek ang naturang establisimyento.
Ayon naman sa empleyado ng LBC na si Analyn Comia Y Almario na residente ng Lutucan 1, isang Ronald Andasan ang nagpanggap na kostumer upang mag-claim ng tatlong parcel nang hanapan ng ID, sa halip ay baril ang ipinakita at tinutukan sila.
Tinangay ng mga suspek ang tatlong parcel at mabilis na tumakas sakay ng isang motorsiklo na direksyong patungo ng bayan ng Candelaria,Quezon.
Ayon pa kay Comia, nakasuot ng blue jacket at gray jogging pants ang suspek medium built ang pangangatawan nasa 5’5 hanggang 5’6 ang taas at nasa edad 35 hanggang 40 anyos ang suspek na naglabas at nanutok ng baril.
Agad nagsagawa ng hot pursuit ang mga pulis para sa posibleng maharang at mahuli ang tumakas na mga suspek.
Hanggang sa kasalukuyan ay walang follow up report ang Sariaya PNP kung nakilala ang mga suspek at nahuli ang mga ito.
BONG RIVERA