HOLDAPER NG 2 EXPRESS RIDERS NASAKOTE

ISABELA-NADAKIP na ang mga suspek sa nangyaring panghohold-up sa dalawang express rider sa lungsod ng Santiago sa ikinasang hot pursuit operations ng pulis kahapon, Enero 11, 2022.

Ayon sa Police Regional Office 2 (PRO2), kinilala ang mga naaresto na sina Mack Jay Dela Cruz Venturina, 28-anyos, construction worker; Pee Jay Dela Cruz Venturina, 34-anyos, dating empleyado ng isang courier company, kapwa residente ng Abra, Santiago City at isa pang kasamahan nila na si Randy Ignacio Andres, 46-anyos, construction worker at residente ng Diffun, Quirino.

Magugunitang naganap ang panghohold-up noong January 5, 2022 matapos harangin ng mga suspek ang dalawang biktima na sina Jerick Tangalin at Ginalyn Flores, na patungo sana sa isang bangko upang magdeposito ng koleksyon na aabot sa higit P1 milyon.

Pagkatapos ng insidente ay tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo kung saan nahagip pa ng CCTV ang kanilang pagtakas.

Ayon sa PNP-Santiago, bandang alas-6 ng hapon noong January 10 ay nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang informant kung saan namumukhaan umano nito ang mga suspek na nahagip ng camera.

Dito na agad nagsagawa ng hot pursuit operations ang mga kasapi ng Santiago City Police Station 1 at SCPO 2 na nagresulta sa pagkakadakip ng tatlong pinaghihinalaan sa lungsod ng Santiago at probinsya ng Quirino.

Narekober ng mga operatiba sa pag-iingat ng mga suspek ang P120,000 at mga item na biniling gamit ang tinangay na pera.

Nakumpiska rin sa pag-iingat ni Andres ang isang kalibre 9mm pistol na mayroong magazine na kargado ng 5 bala at isang granada habang isang replica ng kalibre 45 pistol at isang granada din ang nakuha kay Venturina.

Nahaharap ang mga naaresto sa kasong robbery with intimidation, paglabag sa RA5916 at paglabag sa Omnibus Election Code may kaugnayan sa COMELEC Resolution No 10728. IRENE GONZALES