HOLDAPER NG DOG VENDOR KALABOSO

baril

CAVITE – KALABOSO ang 30-anyos na bagitong holdaper ng dog vendor makaraang masakote ng pulisya sa Evangelista Road sa Barangay Banalo, Bacoor City,  kamakalawa ng hapon.

Nahaharap sa kasong robbery at physical injury ang suspek na si Jose Senar y Clara, ng Bypass Road sa Barangay San Miguel 2 sa bayan ng Silang, Ca­vite.

Naisugod naman sa Crisostomo Hospital ang mga biktimang si Bartolome Buhain y Macula, 33; at Joan Folliente y Llamas n kapwa nakatira sa Barangay Zapote 1, Bacoor City, Cavite.

Base sa ulat ni PSSgt Roy Vincent Reyes na naisumite sa Camp Pantaelon Garcia, nakipag-ugnayan ang suspek sa mga biktima para bumili ng alagaing aso kung saan nagkasundo na magkita sa nabanggit na lugar.

Gayunman, nakipagkita ang mga biktima sa harapan ng Jasper Catering sa nabanggit na barangay kung saan lingid naman sa kaalaman ng dalawa ay may masamang balak ang suspek.

Dito na tinutukan ng baril ang mga biktima saka tinangay ng suspek ang mamahaling cellphone at pitaka na naglalaman ng P5,000 na pag-aari ni Buhain.

Bago tumakas ay kinulata ng suspek ang ulo ni Buhain saka mabilis na umalis subalit namataan naman ng ilang bystander kaya nagkaha­bulan hanggang sa makorner ang suspek at masakote.

Nasamsam sa suspek ang isang cal. 38 revolver na kargado ng mga bala habang narekober naman ang cellphone at pitaka ni Buhain. MHAR BASCO