SUGATAN ang isang holdaper makaraang makipagpalitan ng putok sa mga rumespondeng awtoridad Linggo ng tanghali sa Las Piñas City.
Kinilala ni Las Piñas police chief Col. Jaime Santos ang arestado at sugatang suspek na si Gian Bautista y Mendoza, 37-,anyos, tubong San Jose Del Monte, Bulacan na kasalukuyang ginagamot sa Las Piñas District Hospital dulot ng kanyang tinamong mga tama ng bala sa katawan.
Base sa report ni Santos na isinumite kay Southern Police District Director Brig. Gen. Jimili Macaraeg, naganap ang engkuwentro ng suspek sa mga awtoridad dakong alas-12:20 ng tanghali nitong Linggo sa harap ng Jollibee na matatagpuan sa Casimiro intersection, Brgy. Talon Uno, Las Piñas City.
Nabatid na bago pa maganap ang engkuwentro ng mga pulis sa suspek ay nagsasagawa ng ‘Oplan Sita’ ang mga alagad ng batas sa kahabaan ng Grandeur, Marcos Alvarez Avenue nang may isang Indian national na nakilala sa pangalang Narinder Singh, 37-anyos ang nag-report na hinoldap siya ng isang lalaki na nakasakay sa kulay gray na motorsiklong ADV na walang plaka at tumakas patungong Alabang-Zapote Road.
Pagkakuha ng impormasyon kay Singh ay agad na nagsagawa ng chokepoint ang pulisya sa harap ng Jollibee sa Casimiro intersection kung saan nasita ng mga operatiba ang suspek para sa beripikasyon.
Imbis na magpakita ng pagkakakilanlan ay binunot ng suspek ang baril sa kanyang belt bag at kumasa sa mga pulis na mabilis na kumilos at naunahan na siya ng mga operatiba na putukan na naging dahilan ng kanyang tinamong mga sugat sa katawan.
Sa isinagawang imbestigasyon, narekober sa posesyon ng suspek ang isang kalibre .45 Melinium Taurus pistol na kargado ng walong bala, isang kulay gray na Honda ADV na walang plaka, 7 iba’t-ibang klase ng cellular phones, 1 belt bag na naglalaman ng gintong kwintas, singsing, relos, iba’t-ibang ID at pera na umaabot sa ₱45,170.
Inihahanda ng pulisya ang kaukulang kaso laban sa suspek sa Las Piñas City prosecutor’s office.
MARIVIC FERNANDEZ