(ni CS SALUD)
BAWAT pamilya ay nagba-bonding ngayong holiday at kadalasan, sa bahay ito ginagawa. Mas makatitipid ka pa nga naman, magagawa n’yo pa ang lahat nang gusto ninyong gawin gaya na lang ng pagpapalaro, kuwentuhan, kainan at maging inuman.
Kung minsan, nagiging pabaya tayo lalo na kung sa bahay gagawin ang party. Mas kampante tayo kumbaga kaya may mga pagkakataong relax na relax tayo at kung minsan ay may mga bagay na nakaliligtaan tayong i-secure.
Kung mayroon nga namang isang lugar na pakiramdam natin ay ligtas na ligtas tayo, iyan ay ang ating mga tahanan. Sa naturang lugar nga naman ay nagagawa natin ang lahat ng naisin natin nang walang pag-aalinlangan o pangamba.
Pero siyempre, dapat ay hindi tayo maging pabaya sabihin mang ang party ay gagawin sa ating mga tahanan. Kaya naman, narito ang ilang holiday home safety tips na dapat isaalang-alang ng kahit na sino:
GUMAWA NG PLANO
Ano’t ano pa man ang gagawin ninyo ngayong holiday, importanteng mayroon kayong nakahandang plano para masiguro ang kaligtasan. Halimbawa na lang sa bahay, kailangang alam ninyo kung ano ang gagawin ng bawat miyembro ng pamilya sakaling may mangyaring hindi inaasahan.
Pag-usapan din kung saan mag-e-evacuate o tutungo sakaling may sakuna o problema.
Ngayong holiday, may mga bagay na nangyayari ng hindi inaasahan kaya’t mabuti na iyong sigurado o nakahanda ang bawat isa sa atin.
I-CHECK ANG LAHAT NG ILAW
Gumaganda at nagniningning ang Pasko lalo na kapag naglalagay tayo ng iba’t ibang dekorasyon at pailaw. Lahat nga naman tayo ay pinagaganda ang mga tahanan hindi lamang para sa mga magiging bisita kundi sa buong pamilya.
Para sa kaligtasan ngayong holiday, napakahalagang natse-check natin ang lahat ng ilaw sa loob at labas ng ating tahanan.Siguraduhing walang cracks at loose connection.
PATAYIN ANG ILAW BAGO MATULOG
Bago rin matulog, huwag ding kaliligtaang patayin ang ilaw na hindi ginagamit, gayundin ang appliances nang maiwasan ang kahit na anong problema. Huwag ding mag-o-overcharge.
Iwasan din ang pagko-connect ng mahigit sa isang connection cord. Hangga’t maaari ay gumamit lang ng isa o single cod.
LINISIN ANG LOOB AT LABAS NG BAHAY
Mahalaga ring napananatili nating malinis at maayos ang loob at labas ng ating mga tahanan sa kahit na anong panahon at pagkakataon. Siguraduhing walang matatalas na bagay ang nakakalat nang hindi pagmulan ng problema.
BANTAYAN ANG MGA BATA
Malilikot ang mga bata—takbo rito, takbo riyan. Akyat dito, akyat diyan.
Hindi nga naman natin maiiwasang maglilikot ang mga bata lalo na ngayong holiday at marami silang makakalaro.
Gayunpaman, sabihin mang nasa bahay lang kayo nagsasaya ay mahalaga pa ring nababantayan nating mabuti ang mga bata. Sawayin ang mga ito lalo na kung sobrang likot na. Huwag ding aalisin ang paningin sa mga bata nang maiwasan ang kahit na anong problema.
Siguraduhin ding ang kabuuan ng lugar ay safe lalong-lalo na sa bagets.
KAPAG MAGTA-TRAVEL NGAYONG HOLIDAY
Ngayong holiday, isa pa sa dumaragsa ang mga pasaway o kawatan. Dumarami nga naman ang masasamang loob kapag ganitong mga panahon.
At kung sakaling aalis kayo ng bahay at magta-travel, isa sa mainam gawin upang maging ligtas ang tahanan sa kahit na anong banta ay ang pagsigurong naka-lock ang lahat ng pintuan gayundin ang mga bintana.
Ipaalam din sa mapagkakatiwalaang tao na aalis kayo o magta-travel nang mabantay-bantayan nito ang inyong tahanan.
Maglagay rin ng alarm nang mapukaw ang pansin ng mga kalapit na bahay kapag may nagtangkang pumasok sa inyong tahanan habang nasa bakasyon kayo.
MAGING MAINGAT SA PAGSASAYA
Marami sa atin na sa sobrang excited ay nakalilimot nang mag-ingat. Kumbaga, nasa bahay naman kaya’t relax na relax.
Sa katunayan, hindi lamang kapag nasa labas tayo ng bahay saka mag-iingat kundi lalong-lalo na kapag nasa loob tayo ng ating mga tahanan.
Kaya naman sa pagsasaya, huwag maging pabaya. Maging maingat.
FOOD SAFETY
Importante ring nasisiguro nating safe o ligtas ang ating ihahandang pagkain. Kung minsan nagmamadali tayo sa pagluluto.
Siguraduhing malinis at maayos ang pagkakahanda ng pagkain nang maiwasan ang food poisoning.
Ngayon pa namang holiday, tumataas ang kaso ng food poisoning. Kaya sa pagluluto, siguraduhing malinis ang mga kamay, malinis ang gagamiting kasangkapan at sangkap.
Siguraduhin ding malinis o safe ang gagamiting tubig.
Huwag ding palalampasin ng dalawang oras ang pagkain sa lamesa nang maiwasan ang food borne bacteria. Safe kung ilalagay sa ref ang mga tirang pagkain.
MAGHANDA NG EMERGENCY KIT
Importante rin ang paghahanda ng emergency kit, holiday man o hindi. Makatutulong ito upang maagapan ang paglala ng isang problema o kaya naman ay mayroong magamit sakaling may biglang nasugatan o nagkasakit.
Siguraduhin ding may nakahandang fire extinguisher.
Ngayong holiday, masarap nga naman ang magsaya. Ngunit mas sasarap ito kung handa tayo sa anumang mga problemang maaari nating kaharapin. (photos mula sa southbaysecurity.com, herohomeinspection.com, adventisthealth.org, geico.com)
Happy holidays.
Comments are closed.