HOLIDAY PAY RULES SA NOBYEMBRE SUNDIN – DOLE

DOLE

MAYNILA – NAGPAALALA na ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer sa pribadong sektor na sumunod sa tamang panuntunan para sa pagpapa­suweldo sa mga manggagawa para sa regular at special non-working holiday sa ­Nobyembre.

Batay sa Labor Advisory No. 16, series of 2018, itinakda ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang pagkalkula sa suweldo ng mga manggagawa para sa ­Nobyembre 1 at 2 na idineklara bilang special non-working holidays, at Nobyembre 30, bilang regular holiday.

Para sa regular holiday sa ­Nobyembre 30, ang mga ­employer ay dapat na itakda ang mga sumusunod na payment rules:

Kapag ang empleyado ay hindi nagtrabaho, babayaran pa rin siya ng 100 porsiyento ng kanyang suweldo para sa isang araw, gayundin ng kanyang Cost of Living Allowance [(Arawang suweldo + COLA)] x 100%];

Kapag pumasok naman ang empleyado sa trabaho, babayaran siya ng 200 porsiyento ng kanyang suweldo para sa isang araw para sa unang walong oras ng trabaho, gayundin ng kanyang COLA [(Arawang suweldo + COLA) x 200%].

Kapag ang empleyado ay nagtrabaho nang lagpas sa walong oras, babayaran siya ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang hourly rate (Hourly rate ng arawang suweldo x 200% x 130% x bilang ng oras na tinrabaho).

Kapag ang empleyado ay nagtrabaho at nataon na ang mga araw na ito ay kanyang day-off o rest day, tatanggap siya ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang arawang sahod na 200 porsiyento [(Arawang suweldo + COLA) x 200%] + [30% (Arawang suweldo x 200%)];

Sakali namang mataon na day-off ng empleyado at nagtrabaho siya ng overtime, tatanggap siya ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang hourly rate para sa nasabing araw (Hourly rate ng arawang suweldo x 200% x 130% x 130% bilang ng oras na tinrabaho).            PAUL ROLDAN

Comments are closed.