HOLIDAY SAMANTALAHIN PARA MAGPAREHISTRO

comelec

UMAPELA ang Commission on Elections (Comelec) sa mga botante na hindi pa rehistrado, na samantalahin ang mga holiday na ipagdiriwang ngayong Agosto sa bansa upang makapagparehistro.

Tatlong holiday ang nakatakdang iselebra sa bansa ngayong buwan, kabilang ang Eid’l Adha sa Agosto 12, Ninoy Aquino Day sa Agosto 21, at Araw ng mga Bayani sa Agosto 25 naman.

Ayon sa Comelec, dapat na samantalahin ito ng mga botante, partikular na ang mga estudyante, upang makapagparehistro at matiyak na makakaboto sa mga susunod na eleksiyon sa bansa.

Bukas naman umano ang Comelec field offices kahit pa araw ng holiday upang tu­manggap ng mga magpaparehistro, mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon, mula Lunes hanggang Sabado.

Matatandaang Agosto 1 nang muling ipagpatuloy ng Comelec ang voters registration sa bansa.

Inaasahan namang magtatagal lamang ang registration period sa loob ng dalawang buwan o hanggang Setyembre 30.   ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.