(ni CHEN SARIGUMBA-JUSAY)
PAGKAKAISA, pagmamahalan at pagpapatawad. Ito ang mga bagay na paulit-ulit na ipinapaalala sa atin ng ating mga magulang tuwing sasapit ang Pasko. Tila ito ang hudyat para palayain mo ang lahat ng mga masasamang karanasan at ngayon ka rin dapat naglalaan ng panahon para sa iyong pamilya.
Kapag walang pasok o kaya kapag holiday season, ang isa sa kaagad na iniisip ng mga tao ay ang pagbabakasyon sa ibang lugar. Sariwang hangin, magandang tanawin at ibang kapaligiran ang inaasam ng lahat.
Sa ganitong paraan ay mailalayo natin ang ating mga sarili sa stress ng trabaho at ito na rin ang gantimpala natin dahil buong taon tayong kumayod at nagpakakuba sa pagtatrabaho para sa ating pamilya.
Mahaba ang pagdiriwang natin sa Pasko ngunit sa mga nagtatrabaho lalo na sa pribadong kompanya, limitado lamang ang panahong mayroon sila. Pagkatapos na pagkatapos ng araw ng Pasko ay kailangan mo kaagad pumasok sa opisina.
Kung magpaplano kang umalis at magpunta sa ibang lugar lalo na ‘yung mga malalayo ay tila masasayang lamang ang iyong panahon dahil nasisiguro kong mabagal ang usad ng mga sasakyan sa lansangan. Maraming pamilya ang namimili at namamasyal. Kakainin lamang nito ang iyong oras ng biyahe.
Isa sa maganda at madaling gawin ay ang magpunta sa isang hotel na may family room. Pumili ka ng isang hotel na swak sa budget mo na naroon na ang lahat ng gusto mo. Marami rito ay mayroong Jacuzzi o swimming pool sa loob.
May mga hotel din na hindi mo na kailangang lumayo, pero may magandang tanawin kang makikita o ‘yung maipo-post mo sa iyong social media accounts tulad na lamang ng Facebook at Instagram.
Hindi mo kailangang magpunta sa mga hotel na ito para mag-inquire. May mga application na at website na maaaring tingnan para makapamili ka ng mga gusto mong serbisyo. Maging ang presyo at numero ay nakalagay na roon. Makatitipid ka pa sa oras dahil isang click lang siguradong nakareserba na ito para sa inyong pamilya.
Makaiiwas ka na sa trapik at hindi ka pa mababagot sa biyahe. Kalimitan kasi sa malayuang biyahe ay ang isiping baka hindi ka kaagad makabalik ng Manila dahil madalas ang pagka-delay ng flight o pagkahuli ng biyahe ng mga bus. Nakapagbakasyon ka nga hindi ka naman nakapasok sa trabaho.
Walang masama sa pagbabakasyon sa malayong lugar at lumanghap ng sariwang hangin ngunit kalimitan nalilimitahan ng panahong mayroon kung saan tayo pupunta. Hindi natin kailangang makisiksik sa kalsada at magdusa sa trapik kung may alternatibong paraan naman tayong puwedeng gawin na mas masusulit natin ang ating oras.
Isa rin sa aktibidad na puwedeng gawin ng pamilya ay ang paglalaro ng iba’t ibang sports at pagkain sa labas. Sa mga mall ay mayroong bowling, archery at billiards na magugustuhan din ninyong lahat. Maaari rin kayong kumain sa isang kainan nang sama-sama para mas magkaroon kayo ng panahon sa isa’t isa.
Hindi mahalaga ang lugar na pinupuntahan ng bawat pamilya sa tuwing sasapit ang Pasko. Ang diwa ng Pasko ay ang pagmamahalan at ang pagkakaisa kaya ang pagkakaroon ng panahon sa bawat miyembro ng pamilya ang pinakamahalaga sa lahat.
Sa ganitong panahon din natin nakikita ang kabutihan ng ibang tao. Marami riyan na nagho-host ng feeding program sa mga depressed area at nagbibigay ng maliliit na aginaldo para sa mga bata nang sa ganoon ay makapagbahagi sila ng mga biyayang kanilang natanggap sa buong taon.
Kahit na anong sabihin ng ibang tao, nasa ating desisyon pa rin naman kung paano natin gagawing makabuluhan ang pagdiriwang natin ng kapaskuhan. (photos mula sa thezoereport.com, sify.com, karenmsutton.wordpress.com)
Comments are closed.