LAHAT ng paraan ay gagawin at kakayanin para sa pamilya. At ang pagmamahal sa pamilya ang naging inspirasyon ni Dr. Imelda “Meddie” Edodollon, MT, MD, NMD para pag-aralan ang integrative medicines.
Itinayo nito ang Holistic Integrative Care Center (HICC) matapos silang kumaharap sa isang pagsubok. Nagkaroon ng multi-organ failure ang ama ni Dr. Meddie na nagpahina ng baga, puso at bato nito.
“Na-admit po siya sa ICU kung saan inilalagay ang mga critical at nag-aagaw buhay na pasyente. Napakalaki po ng gastusin kaya po naranasan kong maging pasyente at bantay, malayo po sa nakasanayan kong maging doktor. Namulat po ako na napakaimportante at napakamahal ang kalusugan hindi lang po sa pasyente kundi sa buong pamilya. Naging desperado po akong humanap ng kahit na anong puwedeng makatulong sa amin, doon ko po natuklasan ang Integrative Medicine, kung saan pinagsasama po ang natural at kombensyunal na paraan ng pagpapagaling. Malaking tulong po sa aking ama at aming buong pamilya kaya po minabuti ko pong aralin at magpakadalubhasa sa ibang bansa para makatulong po sa iba,” kuwento pa ni Doc. Meddie.
KAIBAHAN NG HICC SA IBANG WELLNESS CENTER
Hindi mabilang ang wellness center sa panahon ngayon. Ayon kay Dr. Meddie, ang wellness center ang nangangalaga sa mga kliyente na nagnanais na mas mapabuti pa ang kanilang kalagayan.
Layon ng HICC na tumulong na mapabuti ang kalagayan ng mga pasyenteng nakararanas ng matinding sakit at pamamaga sa pamamagitan ng Prolozone Therapy.
Ang prolozone therapy ay permanenteng paggamot sa mga pasyenteng nakararanas ng matagal na pananakit para hindi na sila umasa sa araw-araw na pag-inom ng pain relievers. Sa mga sumubok ng Prolozone Therapy, napakataas ng porsiyento ng paggaling. Ginagamit ang Prolozone Therapy sa mga nakararanas ng osteoarthritis, rheumatoid arthritis, sciatica, frozen shoulder, costo-chondritis, disc bulge, gouty arthritis, sports injury at iba pa.
“Ang prolozone po ay mas mataas na kalidad ng serbisyo kumpara sa hyaluronic injection o steroid injection kung saan kailangan ulit ulitin ang therapy tuwing tatlong buwan hanggang isang taon,” dagdag pa ni Dr. Meddie.
HANDOG NA SERBISYO, ABOT-KAYA
Affordable at kayang-kaya ang mga serbisyo sa HICC na ang layunin ay matanggal ang sintomas pati na rin ang pinagmumulan ng sakit ng mga pasyente. Layon din nitong maiwasan ang mga sakit nang mapalawak pa at mapaliksi ang katawan para mas lalong maging produktibo sa pagtratrabaho.
“Nagsisimula po ‘yan sa tamang pagkain, tamang laboratoryo, tamang mga gawi at tamang therapy. Kung susumahin po natin ang mga bibilhing tabletang pantanggal ng sakit sa loob ng 10 taon at ang presyo ng therapy na magtatanggal ng sakit, malayong-malayo ang kaibahan, hamak na mas mura ang mga panggagamot sa HICC,” ani Dr. Meddie.
Nagsisimula sa malawakang konsultasyon na tumatagal ng isa hanggang tatlong oras ang serbisyo ng HICC. Tutukuyin dito ang mga pinagmumulan ng sakit, paano nauwi sa matagalang kondisyon at paghihirap. Dito rin tatalakayin ang iba’t ibang paraan ng panggagamot pati na ang tamang pagkain at araw-araw na mga gawi upang makaiwas, mapigilan o ‘di kaya’y tuluyang mapagaling ang sakit. Ang iba’t iba pang pamamaraan ay Gerson Therapy, ozone therapy, high dose vitamin c, oxygen therapy, immune drips, prolozone therapy at iba pa.
Sa tanong na ang integrative medicine ba ang magiging conventional medicine in the future, sagot ni Dr. Meddie: “Opo. Integrative medicine ang kinabukasan ng medisina. Nagsisimula na tayong tanggapin ng mga mas maraming doktor at ospital. Nagtatayo ng Integrative Medicine Department ang Perpetual Help Las Piñas, ako po ang mangunguna sa mga doktor.”
Kauna-unahan at nag-iisang Filipino doctor si Dr. Meddie na kinilala sa Gerson Institute sa San Diego, California, United States of America sa pagpapakilala ng makabagong paraan para magamot ang cancer at iba pang chronic disease sa Filipinas.
LIBRENG SERBISYO SA IKATLONG ANIBERSARYO
Sa ikatlong anibersaryo rin ng HICC ay magkakaroon sila ng libreng serbisyo para sa mga dadalo. Ang services na kanilang ibabahagi sa mga dadalo ay ang free body scanning, free blood vessel at ang free Zyto Scan.
Ang integrative medicine, ayon pa kay Dr. Meddie ay naglalayon na pagsamahin ang pinakaepektibong pamamaraan ng natural na medisina na sinuportahan ng maraming pag-aaral at pananaliksik ng mga doktor at ang tradisyunal na pamamaraan ng panggagamot.
Tinutulungan din nitong pagalingin ang sintomas pati ang naging sanhi ng pagkakasakit. Mas mataas din ang kasiyahan at tiwala na ibinibigay ng pasyente sa ganitong uri ng panggagamot.
“Maging matalino tayo at mapanuri ngunit buksan natin ang ating kaisipan na tingnan ang ganitong uri ng panggagamot,” pagtatapos pa ni Dr. Meddie.
Para rin maipakilala pa sa marami ang mga serbisyo ng HICC, nagsasagawa rin sila ng medical missions, charity events at iba pang beauty, health wellness events. CHE SARIGUMBA / kuha ni RUDY ESPERAS
Comments are closed.