HOLT, GO SA GINEBRA; STANDHARDINGER, PRINGLE SA TERRAFIRMA

NASA Barangay Ginebra na sina Stephen Holt at Isaac Go.

Kinuha ng Gin Kings sina Go at Holt mula sa Terrafirma kapalit nina veterans Christian Standhardinger at Stanely Pringle.

Ang blockbuster deal ay sinelyuhan isang araw bago ang PBA Annual Draft ngayong Linggo sa Glorietta sa Makati.

Ang dalawang koponan ay nagpalitan din ng first round picks sa 49th season Annual Draft kung saan ang Ginebra ay umakyat sa number three sa drafting order at napunta ang Terrafirma sa number 10.

Ang pagkuha kina Holt at  Go ay inaasahang malaking kaluwagan para sa depleted Gin Kings, na sa kasalukuyan ay hindi kasama sina Scottie Thompson at Jamie Malonzo dahil sa injuries.

Sina  Holt at Go ay kapwa may  solid games noong nakaraang conference at gumanap ng mahalagang papel sa pag-usad ng Terrafirma sa quarterfinals ng Philippine Cup.

Samantala, si Standhardinger ay maglalaro sa kanyang ika-4 na koponan magmula nang lumahok sa liga noong 2017.

Sina Holt at Standhardinger ay kapwa nasa kontensiyon para sa MVP plum.